13

By

Ika-5 dikit na panalo pinalo ni Ebuen, Donato para sa Arellano

Hindi bumibitiw bagkus ay mas lalong tumatag ang kapit ng Arellano University Lady Chiefs sa unang pwesto ng NCAA 94 women’s volleyball.

Tinarak ng Lady Chiefs ang ikalimang sunod nitong panalo sa loob lamang ng tatlong sets 25-19, 25-20, 25-17 Huwebes sa The Arena sa San Juan.

Nanguna para sa Lady Chiefs si Necole Ebuen na pumalo ng 17 puntos habang bumakas naman sa tropa si Carla Donato na may 12 puntos.

Bagama’t wala pang dungis ang record ng Arellano, aminado si coach Roberto Javier na marami pang kailangang plantsahin ang tropa lalo na’t nangangahalati na ang liga.

“Kulang na kulang pa rin kasi kung titignan sa block hindi pa rin kami ganun ka-organize kumpara sa ibang team na nakikita ko medyo gumaganda na ‘yung performance,” sabi ni Javier.

“Plus si Regine (Arocha) sa atake hindi pa namin siya maasahan talaga. Buti na lang sa service dun siya tumulong, malaking bagay na ‘yun kahit hindi siya masyado nakaka-contribute sa paluan.”

Sunod na makakaharap ng Arellano ang Letran Lady Knights bago magbakasyon ang liga.

Sa unang laro naman, naalpasan ng San Beda University Red Spikers ang pahirap na ginawa ng Jose Rizal University Lady Bombers para sakmalin nito ang ikalima nitong sunod na panalo.

Naitakas ng Red Spikers ang five-set win kontra Lady Bombers, 17-25, 25-13, 25-9, 21-25, 15-11, sa The Arena sa San Juan, Huwebes ng hapon.

Sinandalan ng Beda si Nieza Viray na pumalo ng 26 na puntos at si Cesca Racracquin na may 25 puntos sa kanyang pangalan.

Wala rin ang bahid ang record ng Red Spikers na bitbit ang 5-0 na baraha habang dulas naman sa 2-3 na karta ang Lady Bombers.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?