ABANTE chr ml extension etta rosales
By

Ika-3 petisyon vs ML extension, inihain ng CHR

Sharing is caring!

Panibagong petisyon laban sa muling pagpapalawig ng Martial Law sa Mindanao ang inihain sa Korte Suprema.

Ang pangatlong petisyon ay inihain ni dating Commission on Human Rights (CHR) Chairperson Loretta Ann Rosales sa pamamagitan ng kanyang abogado na si dating Solicitor General Florin Hilbay.

Pinangalanang respondent sa petisyon sina Pangulong Rodrigo Duterte, Executive Secretary Salvador Medialdea, Martial Law Administrator Secretary Delfin Lorenzana, Martial Law Implementer General Rey Guerrero, Philippine National Police Director General Ronald dela Rosa, Senate President Aquilino Pimentel III at House Speaker Pantaleon Alvarez.

Sa bungad pa lamang ng petisyon, iginiit na ng petitioner na ang proklamasyon ng Martial Law ay hindi maaaring gamitin para bigyang katuwiran ang nakaambang panganib ng rebelyon.

Wala rin umanong sapat na basehan para sa patuloy na pag-iral ng Martial Law sa Mindanao dahil wala namang nagaganap na aktuwal na pananakop o pag-aaklas.

Sa liham umano ng Pangulo na may petsang December 8, 2017, walang tinukoy na mga batayan para sabihin na may nagaganap na aktuwal na rebelyon at nangangailangan ng Martial Law.

Ang deklarasyon umano ng Martial Law ay hindi maaaring gawing pamalit sa normal at pinaigting na operasyon ng pulisya at pagkalap ng militar ng intelligence information.

Ang mga pag-atake umano ng New People’s Army bilang batayan ng Martial Law re-extension ay wala naman sa orihinal na deklarasyon ng Pangulo at wala rin namang tinukoy na katibayan kung paanong pumasok ang elemento ng rebelyon sa ilalim ng Revised Penal Code sa ilang dekada nang presensya ng NPA.

Nababahala rin ang petitioner na ang paggamit sa NPA bilang isa sa dahilan ng Martial Law re-extension ay maging hudyat ng pagdedeklara ng

Martial Law sa iba pang panig ng bansa.

Ang unang petisyon laban sa Martial Law re-extension ay inihain nina Congressmen Edcel Lagman, Tomasito Villarin, Edgar Erice, Teddy Brawner Baguilat, Gary Alejano at Emmanuel Billiones.

Ang ikalawang petisyon naman ay sa panig ng human rights advocate at mga militanteng kongresista. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?