9

Nov 6, 2020 @ 9:11
By

Ika-3 isolation facility sa Navotas bukas na

Binuksan na kahapon ang pangatlong community isolation facility (CIF) para sa mga Navoteño na hinihinala o kumpirmadong nahawa sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa isang press release, sinabing nakipagtulungan ang Navotas city government sa Department of Public Works and Highways (DPWH) upang mai-convert ang 50 40-footer container vans patungong 200 bed-capacity isolation facility sa Navotas Centennial Park.

Bago ito, may CIF na ang lungsod sa Navotas National High School at Navotas Polytechnic College na kayang mag-accommodate ng 210 pasyente.

Kada unit sa CIF3 ay may isang kama, lamesa at upuan, banyo at paliguan, air conditioning unit, at NavoConnect wi-fi.

Meron ding mga CCTV camera sa nasabing pasilidad para madaling ma-monitor ang mga pasyente at malimita ang physical visit ng mga medical staff.

Sabi ni Mayor Toby Tiangco, ang pananatilihin sa CIF3 ay mga close contact ng mga COVID-positive patient na sumailalim na sa swab testing.

Hanggang nitong Huwebes, Nobyembre 5, may 57 aktibong kaso pa ang Navotas.

Samantala, 149 na ang yumao habang 4,953 ang gumaling sa lungsod mula sa coronavirus.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?