22
ABANTE-TNT sc petision martial law extension
By

Ika-2 petisyon vs TRAIN Law, inihain sa Korte Suprema

Isang grupo ng mga nagtataguyod sa kapakanan ng mga consumer ang naghain ng ikalawang petisyon laban sa kontrobersiyal na Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law sa Korte Suprema.

Sa petisyon ng grupong Laban Konsyumer Incorporated, iginiit nito na ang TRAIN Law ay mabigat na pasanin para sa mga Filipino na maliit lamang ang kinikita at sa mga mahihirap na pamilya.

Partikular na tinukoy ng grupo, na hindi makatuwiran ang pagpapataw ng mas mataas na buwis sa mga produktong petrolyo at sa uling na itinuturing na pangunahing produkto o basic commodity.

Maituturing umano na “regressive tax” ang TRAIN Law.

Sa ilalim ng regressive tax, bumababa ang ipinapataw na buwis sa mga produkto at serbisyo na mas mataas ang halaga.

Punto ng mga petitioner, taliwas ang regressive taxation sa itinatakda ng Konstitusyon na ang sistema ng pagbubuwis ay dapat na maging progressive kung saan ang buwis ay tumataas kapag tumataas din ang halaga ng produkto, serbisyo o kita.

Dahil dito, maituturing umano na unconstitutional ang TRAIN Law.

Hinihiling ng Laban Konsyumer ang pagpapalabas ng temporary restraining order o status quo ante order para mapigil ang pagpapatupad ng TRAIN Law.

Pinangalanang respondents sa petisyon sina Executive Secretary Salvador Medialdea, Finance Secretary Carlos Dominguez III, Internal Revenue Commissioner Caesar Dulay, House Speaker Pantaleon Alvarez at Senate President Aquilino Pimentel III. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?