145

Mar 22, 2020 @ 5:24
By

Ika-2 kaso ng COVID-19 sa Bataan, naitala

Kinumpirma ng Department of Health (DOH) ang pangalawang kaso ng COVID-19 positive sa lalawigan ng Bataan.

Ang pasyente na tinatawag na PH303 M24, ay kasalukuyang ginagamot sa isang hospital sa nasabing lalawigan.

“Muli po akong nakikiusap na makiisa at makipagtulungan sa pamamagitan ng pagsunod sa mga alituntuning isinaad sa ipinatutupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ) upang mapigilan ang mabilis na pagkalat ng Coronavirus sa bansa, ayon kay Bataan Governor Abet Garcia.

Ang Provincial Health Office (PHO) ay patuloy na nangangalap ng karagdagang impormasyon at nagsasagawa ng contact-tracing sa pangalawang kaso ng COVID-19 positive patient sa lalawigan.

Napag-alaman ng PHO na si PH303 M24 ay kasama diumano ni PH64 M32 sa dormitoryo sa Maynila at umuwi lamang sa Bataan nang makaramdam ng sintomas ng respiratory diseases.

Ayon sa huling health update, patuloy na bumubuti ang kalagayan ni PH64 M32, at maaaring sa lalong madaling panahon ay makarecover at tuluyan nang gumaling.

Sa kasalukuyan, may naitala nang 4,475 Patients Under Monitoring (PUM) at 231 na Patients Under Investigation (PUI) ayon sa Bataan ang Provincial Health Office.

“Muling nanawagan po ako na manatiling mapagmatyag at mas makabubuting pag-ibayuhin ang pag-iingat,” ani Garcia.

“Nakikiusap po ako sa ating mga kababayan, manatili tayo sa ating mga bahay at mag-practice ng social distancing sa lahat ng oras.

Ang pagdami ng positive cases ng COVID-19 ang iniiwasan natin dahil ayaw nating mas mahirapan ang ating mga health workers, mga doktor, nurses at maging ang ating mga hospital kapag nagkataon.

Gawin po natin ang ating makakaya upang makatulong tayo sa ating mga sarili, sa ating mga mahal sa buhay, at sa ating bayan. Pagpalain nawa tayo ng Panginoong Maykapal,” dagdag pa ni Garcia.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?