214

By

IDs ng mga OFWs, ibibigay na sa Disyembre – DOLE

Sharing is caring!

Posibleng simulan na ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa Disyembre ang pagpapalabas ng identification card para sa mga overseas Filipino workers (OFW).

Ayon kay Bernard Olalia, Officer-in-Charge ng Philippine Overseas Employment Agency (POEA), inaasahang mailalabas na ng kagawaran ang iDOLE ID card para sa mga OFW sa December 5 o 6.

Paliwanag ni Olalia, sa pamamagitan ng iDOLE ID ay mas madaling makapagpoproseso ng transaksyon ang mga OFW sa gobyerno at mga pribadong ahensya kaugnay ng kanilang overseas employment.

Inilunsad ng kagawaran ang iDOLE ID noong Hulyo katuwang ang Social Security Systems (SSS), Development Bank of the Philippines (DPB) at PhilPost.

Ayon kay Olalia, ang iDOLE ID ay maaring iproseso ng OFW sa pamamagitan ng online application.

Nauna nang sinabi ni DOLE Secretary Silvestre Bello III na ang iDOLE ID idedeliver sa mga OFW, sila man ay nasa Pilipinas o nasa ibang bansa.

Target ng DOLE na sa kalaunan ay magsilbi bilang ID pass sa airport at immigration ang OFW ID kung saan ito ay maaring magamit bilang Travel Exit Clearance ng mga OFW sa loob ng dalawang taon na magsisimula sa petsa kung kailan naisyu ang ID at sa pamamagitan din nito ay malilibre na sila sa pagbabayad ng travel tax at terminal fee. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?