165

By

ICC probe kay Duterte uusad pa rin kahit kumalas ang PH – senators

Sharing is caring!

Inihayag ng mga abogadong senador na maarin pa ring matuloy ang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) kay Pangulong Rodrigo Duterte kahit kumalas mula roon ang Pilipinas.

Tinukoy ni Senate minority leader Franklin Drilon ang Article 127 ng Rome Statute na lumikha sa ICC kung saan nakasaad na walang epekto sa “criminal investigations and proceedings” ng ICC ang pag-alis dito.

Nakasaad diin na obligasyon pa rin ng kumalas na bansa na makiisa sa preliminary examination ng ICC na naumpisahan bago ang pagkalas.

Nung nakaraang buwan, inihayag ng Office of the Prosecutor ng ICC na uumpisahan na nito ang preliminary examination sa extrajudicial killings na bunga ng war on drugs ng Duterte administration.

Sinabi rin ni Senador Kiko Pangilinan, buhat sa oposisyon, na makakapagpatuloy ang ICC sa imbestigasyon lalo na’t magiging epektibo lang ang pagkalas ng bansa isang taon matapos matanggap ng ICC ang notification buhat sa Pilipinas.

Ito rin ang nakita ni Senate President Koko Pimentel III na kaalyado ni Pangulong Duterte.

Pero suportado ni Pimentel ang ginawa ng pangulo at sinabing ito rin ang kaniyang gagawin kung siya ang nasa poder.

Dahil aniya ito sa pagpatol ng ICC sa mga walang katuturang reklamo laban sa pangulo na isinampa ng ilang pulitiko.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?