270

By

ICC gigil kay Duterte; reklamo sa Santo Papa ‘di pinapansin – Roque

Sharing is caring!

Target ng International Criminal Court (ICC) na maparusahan si Pangulong Rodrigo Duterte kahit pa malabag at hindi masunod ang nilalaman ng tratadong naging signatory ang Pilipinas.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque makaraang kumalas ang Pilipinas at bawiin ang membership sa Rome Statute na bumuo sa ICC.

Sinabi ni Roque na maraming reklamo sa ICC na hindi pinapansin gaya na lamang ng maraming demanda laban sa Santo Papa, gayong miyembro rin ang Italy at Vatican sa tratado.

Malinaw aniya na si Pangulong Duterte ang gustong gawing tropeo ng ICC kaya kumalas na ang Pilipinas.

Nilinaw ni Roque na maaari lamang gumalaw ang ICC kapag ang lokal na hukuman ay hindi gumagana at walang kakayahan na litisin ang isang taong nagkasala gaya ng nangyayari sa Somalia at Sudan.

“Pupuwede lang gumalaw ang ICC kapag iyong mga lokal na hukuman natin ay unwilling or unable, hindi gumagana ang mga hukuman, iyong mga bansa gaya ng Somalia, ng Sudan.

“Marami naman kasing reklamo na hindi pinapansin, for instance, maraming nagdemanda laban kay Santo Papa, o hindi naman pinapansin ‘yan ng ICC bagama’t member ang Italy at saka ang Vatican,” ani Roque.

Sinabi pa ng kalihim, sa paniwala ni Pangulong Duterte ay tila may hang-over ng colonial power ang mga taga-Europa at nais nilang ipagpatuloy ang pananakop ng mga bansa gaya ng Pilipinas.

Dagdag pa nito, malinaw na binabalewala ng ICC ang mga korte sa bansa at insulto ito na para bang itinulad ang Pilipinas sa Sudan at Somalia.

“Insulto iyon na para tayong Sudan at Somalia. Kita mo naman iyong mga may kaso sa ICC — Libya, Afghanistan — hindi naman ganoon ang ating sistemang legal noh,” dagdag pa ni Roque.

Naniniwala aniya si Pangulong Duterte na hindi matanggap ng Europa ang bagong pakikipagkaibigan ng Pilipinas sa mga karatig bansa sa Asya, at nais pa rin nila na maging sunod-sunuran ang Pilipinas sa mga ‘puti’. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?