52

Sep 15, 2021 @ 23:05
By

IBON exec: Matatag na ekonomiya panlilinlang lang

Panlilinlang diumano ang sinasabi ng mga economic manager na matatag ang ekonomiya ng bansa at nasa tamang landas ito para lumago.

“Kailangang pabulaanan ang mga ganoong claims dahil hindi naman nakukuha ang growth na iyon,” sabi ni IBON Foundation executive director Sonny Africa.

Paulit-ulit nang iginigiit nina Finance Secretary Carlos Dominguez III, National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Karl Kendrick Chua at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) governor Benjamin Diokno na nasa tamang landas ang pamahalaan at matatag ang ekonomiya.

Paliwanag naman ni Africa, hindi gumastos ang pamahalaan at makikita ito sa laki ng pondong hindi nila nagastos sa noong nakaraang taon kaya’t hirap umahon ang ekonomiya.

“Hindi nila gets na ang ekonomiya ay para sa kalagayan ng karaniwang mga Pilipino. Hindi nila nakikita na ang palatandaan ng malakas na ekonomiya ay kung may sapat na trabaho ang mga tao…kung gumastos sila nung 2020 sa healthcare at hindi sila nagtipid sa ayuda, hindi kakalat ng ganito kabilis ang COVID-19…sila ang may kasalanan diyan,” sabi ni Africa.

Sabi naman ni Institute for Leadership, Empowerment and Democracy executive director Zy-za Suzara, “intellectually dishonest” o panlilinlang ang ginagawa umano ng mga economic manager dahil ang ginagamit nilang datos ay luma na at parating 2019 ang basehan.

“Iyang high credit rating na pinagmamalaki nila, mismong credit ratings agency na ang nagsasabi na nakasalalay sa pandemic response at fiscal stimulus ang pag-ahon ng ekonomiya,” sabi ni Suzara.

Aniya, nasa 90,000 mga micro, small and medium enterprises (MSME) ang nagsara at nasa tatlo hanggang apat na milyon ang mga nawalan ng trabaho. “Tama na ba ang P10 bilyon para isalba ang mga MSME? Sapat ba ang budget ng DSWD para sa ayuda at ang kasalukuyang budget ng DOLE? Hindi e,” sabi ni Suzara.

Dagdag niya, apat lamang ang pinaboran ng panukalang budget para sa 2022: ang presidente, ang mga pulis, ang mga politiko, at mga pinapaboran nilang mga kompanya.

“Hindi tama ang pag-iisip,” sabi ni Suzara. “IMF na ang nagsasabi, World Bank na ang nagsasabi na magbigay ng fiscal stimulus…tandaan natin na ang pamahalaan ay hindi dapat nagtitipid. Dapat `yan gumastos para sa mga mamamayan.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?