989

Dec 25, 2017 @ 18:31
By

Iba’t ibang sawsawan, masama sa katawan?

Iba’t ibang klase ng sawsawan mayroon ang mga Pinoy. Mahilig ka bang gumamit ng sawsawan sa tuwing ikaw ay kakain? Gusto mo bang malaman kung anong sawsawan ang mabuti sa ating katawan at ano naman ang masama?

Ilan sa mabuting sawsawan na sikat, lalo na sa mga kabataan ay ang ketchup. Ito ay mabuti sa katawan dahil gawa ito sa kamatis na alam naman natin na taglay nito ang sustansiyang lycopene.

Panlaban din ang ketchup sa prostate cancer at iba pang sakit. Ang tomato sauce ng spaghetti ay napakasustansiya rin. Bawasan lang ang pagkain ng hotdog at meatballs.

Paborito rin ng mga bata ang gravy sauce. Mayrooong gravy na malabnaw lang ang timpla at hindi naman gaano nakatataba. Pero may mga gravy na gawa sa mantika, mantikilya at taba. Pinapataas nito ang ating bad cholesterol at puwede ring magbara sa ugat ng ating puso na makapagdudulot ng atake sa puso at utak na kadalasang nagiging stroke.

Sawsawang sukang puti ay nakapagpapababa ng blood sugar. Nakababawas din ito ng gana sa pagkain. Kaya kung ika’y may diabetes o lampas sa timbang, gamitin ang suka bilang sawsawan sa ensalada, isda, at karne. Dalawang kutsaritang suka sa bawat pagkain ay sapat na para makatulong sa iyong katawan.

Pasosyal na mayonnaise at salad dressing. Alam n’yo ba na ang mayonnaise ay sobra sa fats at may mataas na taglay na calories. Kaya payo sa lahat, konti lamang ang pagkonsumo nito.

May mataas na vitamin C naman ang calamansi na kailangan ng ating immune system. Mag-ingat lang sa paggamit ng calamansi at suka dahil puwede itong magdulot ng pangangasim ng sikmura. Ihalo ito sa pagkain at huwag inumin nang puro.

Ilan naman sa mga sawsawan na dapat kontrolado lamang ang paggamit ay ang toyo at patis. Hindi naman masama ang sawsawang ito basta pakonti-konti lang ang gamit.

Pero dahil sa alat nito, puwede itong magpalala ng altapresyon at manas sa paa. May mga cancer specialist na nagsasabi na baka mag-trigger ito ng cancer cells sa ating katawan.

Tulad ng toyo at patis, sobra rin ang alat ng bagoong. Ang payo natin ay magtiyaga na lang sa timpla ng iyong pagkain. Huwag nang dagdagan pa ng alat ang pagkain.

Ang sili ay puwedeng magdulot ng ulcer at almoranas. Mahapdi ang katas nito at nakaiirita sa sikmura at sa ugat ng puwet. Ito ang isang dahilan ng almoranas. Kapag sobrang spicy din ang iyong kinakain, lalabas din ito sa iyong pawis at magkakaroon ka ng anghit o body odor.

Kaya payo sa lahat, hinay-hinay lang ang paggamit sa mga sawsawan na ito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?