45
magdalo-gary-alejano
Dec 16, 2017 @ 16:31
By

Ibaling sa sindikato ang giyera

Sa pagbabalik ng Philippine National Police (PNP) sa giyera kontra ilegal na droga, marami ang nababahala sa posibilidad na mas marami pang patayan ang magaganap. Dagdag pa dito ay ang naging pahayag ng Pangulo na wala nang pag-asa ang mga addict na magbago.

Upang masugpo ang droga, dapat parehong ang supply at demand ang binibigyang atensyon at sinosoluyonan – pati mga big time suppliers ng droga at hindi lamang mga small time pushers at users. Sa unang sigwada nang giyera kontra ilegal na droga, itinuon ng PNP ang kanilang atensyon sa mga drug users sa paniniwala marahil na kapag naubos ang mga users ay mawawala ang suppliers kasunod nito. Ang ganitong pagtingin ng PNP ay nakita naman nating nagdulot lamang ng mga patayan na tila mga mahihirap na kababayan natin lamang ang pinupuntirya. Libu-libo ang napatay sa giyera kontra ilegal na droga bago inalis sa PNP ang trabahong ito pero ilan lang ba ang nahuli na drug lord?

Mas maraming dugo ng mga Filipino na biktima ng mga malalaki at mga dayuhang sindikato ng droga ang dumanak pero nasugpo ba ang droga? Hindi, kaya nga humihingi na naman ng isang taon si Duterte para tapusin ang problemang ito.

Nang mawala ang PNP sa giyera kontra ilegal na droga, naging matagumpay naman ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na mahuli ang mga malalaking suppliers kabilang na ang anak ng dating drug queen na nakatira lamang sa paanan ng Malacanang. Maraming nahuli na suspek ang PDEA at bulto-bulto ang drogang nakumpiska ng ahensya sa unang buwan nito nang walang dugong dumanak

Hindi ba napag-isip-isip ng PNP na pagkatapos ng pangunguna nila sa giyera kontra ilegal na droga ay marami pa ring droga ang nagkalat sa lansangan kahit marami nang adik ang napatay? Ibig lang sabihin nito na binawasan lang ng PNP ang mga gumagamit ng ilegal na droga pero ang supply hindi nababawasan. Nandyan pa rin sa paligid ang mga sindikato ng droga.

Kaya nga sa oral urgment sa Korte Suprema, tinanong ni Senior Associate Justice Antonio Carpio si Solicitor General Jose Calida kung ilang Chinese o Filipino-Chinese ang na-neutralized sa giyera kontra ilegal na droga lalo na at ang mga ito ay tukoy ng PNP na namamayagpag sa illegal drug market sa bansa.

Hangga’t hindi tinatarget ang mga taong ito na alam naman ng lahat na nagkokontrol sa ilegal drug trade sa ating bansa ay hindi magtatagumpay ang PNP sa kanilang misyon na tuluyang sugpuin ang ilegal na droga sa bansa. Hangga’t hindi binabago ng PNP ang kanilang mga hakbangin, pagtingin, at polisiya, patong-patong pang mga bangkay ang ating masasaksihan na magiging biktima ng giyera kontra ilegal na droga.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?