jv-ejercito-ginhawa-ng-bayan
By

Ibalik ang tiwala ng mamamayan sa bakuna

Sharing is caring!

NABABAHALA po tayo para sa kalusugan at kaligtasan ng mga bata dahil marami nang magulang ang tumatangging pabakunahan ang kanilang mga anak dahil sa kontrobersiyal na Dengvaxia anti-dengue vaccine.

Mismong ang Department of Health ang nagkumpirma na bumaba ng 37 percent ang bilang ng mga nagpapabakuna.

Nakakatakot ito dahil kung tuluyan nang walang magpapabakuna, huwag naman sana, nanganganib na magkaroon ng epidemya ng mga sakit.

Linawin po natin, ang bakuna ay hindi lamang para sa dengue na Dengvaxia ang ginagamit. May mga bakuna para sa polio, diphtheria, measles, at iba pa na iba-ibang gamot naman ang ginagamit at hindi Dengvaxia.

Alam po ng publiko na ang aking anak ay nabakunahan din ng Dengvaxia kaya ramdam ko ang pagkabalisa ng mga magulang ng 830,000 bata na nasaksakan.

Pero naniniwala po tayo na hindi tulad ng Dengvaxia, ligtas po ang ibang bakuna sa ilalim ng immunization program ng DOH dahil dumaan ang mga ito sa masusing clinical trials.

Gayunpaman, hindi po natin sinisisi ang mga magulang kung may phobia na sila sa bakuna. Kaya lang, kailangang maging mahinahon po tayo at pakinggan at intindihin ang sinasabi ng mga expert pagdating sa mga ganitong usapin.

Dapat maibalik ang tiwala ng mamamayan sa bakuna para sa kapakanan ng mga bata. Kung nabahiran ng pagdududa ang bakuna dahil sa Dengvaxia, kailangan ng malawakang pangungumbinsi para ma-realize ng mga magulang na ang ibang bakuna ay ligtas.

Paano natin gagawin ito? Ang ating mungkahi ay isang malawakang information drive para magpaliwanag sa taumbayan.

Dapat pangunahan ito ng mga expert na medical practitioner at dalubhasa sa linyang ito ng medisina at kalusugan.

Sa maayos at mahinahong pagpapaliwanag, tayo po ay naniniwala na mapapawi ang takot ng mga magulang at papayag na sila na pabakunahan ang kanilang mga anak.

Nakikiusap din tayo sa ilan nating mga kababayan na huwag namang sanang gamitin pa ang isyu ng Dengvaxia para sa kanilang pansariling agenda. BOOM!

Public health po ang issue dito kaya huwag na nating haluan pa ng pulitika. May panahon din para sa pulitika at hindi ito ang tamang panahon para d’yan. BOOM!

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?