156
Dahil sa hazing? Mga netizen nanggalaiti sa pagkamatay ng kadete ng PMA
Sep 29, 2019 @ 18:12
By

Iba pang plebo may mga markang hinihinalang dahil sa hazing

Kinumpirma kanina, Setyembre 29, 2019, ni Philippine Military Academy (PMA) Commandant Brig. General Romeo Brawner Jr. na may iba pang mga 4th Class cadet ang nakitaan ng mga marka sa katawan na pinaniniwalaang mula sa hazing matapos silang isailalim sa physical check-up dahil sa pagkamatay ni 4th Class Cadet Darwin Dormitorio.

Ayon kay Brawner, natapos na ang ginawang physical examination ng tinatayang nasa 400 plebo o 4th Class cadet ng PMA nitong weekend, at base umano sa outcome ay mayroon pang mga kadete na nakitaan ng mga marka ng pagpapahirap sa katawan.

“Tapos na. Tinanong ko ‘yung doctor kasi, galing ako sa hospital ngayon e, at meron tayong mga na-find out na mga, may mga marka; ayoko kong maging specific e, ayokong maging specific muna,” pahayag ni Brawner sa isang panayam kanina.

Nilinaw ni Brawner na iba pa ‘yung tatlong kadete na dinala sa V. Luna hospital at St. Luke’s Global, subalit hindi na muna ito nagbanggit ng iba pang detalye dahil ayaw umano nitong mag-alala ang mga magulang ng mga kadete.

“Iba pa yung tatlo, ayoko munang magbigay ng number kasi alam mo yung mga parents, nag-aalala na eh,” saad nito.

Nasa maayos naman umanong kalagayan ang mga bagong plebo na nakitaan ng pagmamaltrato at hindi na umano kailangang isugod sa pagamutan ang mga ito, at dahil sa pangyayari ay mayroon nang mga upperclassman na iniimbestigahan dahil dito.

Ayon sa opisyal, may mga magulang na gusto nang i-pullout ang kanilang mga anak sa PMA.

“May mga magulang na gusto i-pull-out anak nila sa academy. Sabi ko, I assured the parents na okay yung mga anak nila, “well take care of them so hindi na kelangang i-pull-out pa.” As new commandant of corps of cadets, I assured [them], no more hazing,” pahayag nito.

Matatandaang matapos ang pagkamatay ni Dormitorio noong Setyembre 18, 2019 at ang pagsugod ng tatlo pang kadete sa pagamutan dahil sa may mga bakas sa katawan na pinahirapan ang mga ito ay agad na pinag-utos ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na isailalim ang lahat ng plebo sa physical check-up upang mabatid kung sino pa ang mga may marka na pinahirapan ang mga ito.

Sa pagkamatay din ni Dormitorio ay anim na upperclassman cadet ang nakatakdang sampahan ng kasong kriminal, habang dalawang doktor naman ng PMA ang sasampahan ng neglect of duty dahil sa pagpapabaya nila kay Dormitorio noong isugod ito sa pagamutan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?