84

Nov 5, 2017 @ 17:02

Iba pang katiwalian sa SSS, huhukayin ng Kamara

Bukod sa stock trading, inaasahang mabubunyag din sa mga susunod na araw ang iba pang iregularidad sa mga transaksyon sa loob ng Social Security System (SSS).

Ayon kay House committee on banks and financial intermediaries chairman Ben Evardone, kabilang sa posibleng masiwalat ang iligal na paggamit ng policy sa paglo-loan.

Paliwanag ni Evardone, dito’y nagagamit ang policy ng ilang inbidibwal sa pangungutang kahit hindi mismong ang may-ari ang naglo-loan.

Binanggit ng kongresista ang umano’y sindikato sa loob ng SSS na tinatarget ang mga miyembro na hindi naglo-loan at hindi gumagamit ng iba pang e-services ng ahensiya.

Naghihinala si Evardone na mayroong mga insider sa ahensiya ang kasabwat ng sindikato para kumuha ng “doormant” account, galawin ito at ‘doktorin’ ang mga pirma.

Sabi ng mambabatas, may ilang indibidwal nang nakikipag-ugnayan sa kanyang opisina para magbibay ng mga impormasyon sa kalakaran sa SSS.

“Dalawang tao ang gustong kumausap sa akin [para] magbigay ng ibat-ibang impormasyon sa kalakaran d’yan sa SSS,” sabi ni Evardone.

Naniniwala ang kongresista na may hawak rin ang dalawang taong hindi nito pinangalanan na mahalagang impormasyon laban sa apat na matataas na opisyal ng SSS na inakusahan ng profiteering.

Naunang inireklamo ni SSS Commissioner Jose Gabriel La Viña, sina SSS executive vice president Rizaldy Capulong; senior vice president and chief actuary George Ongkeko Jr.; vice president Reginald Candelaria, OIC ng equities investment division/capital markets group; at Ernesto Francisco Jr., equities product development head.

Nagbitiw na sa puwesto sina Candelaria at Ongkeko. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?