16

Oct 1, 2020 @ 11:08
By

Iba na ngayon! Prusisyon sa Traslacion 2021 baka alisin

Magbabago ang pagdiriwang ng Traslacion o prusisyon ng Itim na Nazareno sa panahon ng pandemya.

Sabi ni Fr. Douglas Badong, parochial vicar ng Minor Basilica of the Black Nazarene, kabilang sa mga pwedeng maalis ay ang prusisyon sa Rizal Park.

Ang nasabing prusisyon ay karaniwang dinadagsa ng milyun-milyong debotong Katoliko kada Enero 9 dahil pinaniniwalaang milagroso ito.

“Kailangan talaga namin ma-practice ngayon at least ‘yung mga tao masanay na ito ang ipapatupad natin, na may physical distancing habang nagsisimba sila sa nobenaryo ng Traslacion,” wika ng pari sa ABS-CBN’s TeleRadyo, Oktubre 1.

Humingi ng kooperasyon si Badong sa madla habang nagpaplano sila ng magiging panukala sa gobyerno sa kung paano isasagawa ang Traslacion sa susunod na taon habang may nakahahawang sakit na COVID-19.

“Sa ngayon po ay talagang naguusap-usap na kami ng proposal sa procession committee na idudulog namin sa IATF. Kung papayagan ng IATF na following all the protocols, ‘yun ang gagawin namin. Pero naka-set na rin naman kami na posibleng wala talagang Luneta event ngayon at wala ‘yung usual na ginagawa natin,” saad niya.

“Kailangan din ihanda na ‘yung mga deboto na makundisyon na sila na kakaiba ang panahon natin ngayon. Malaking pagbabago talaga sa January 9, sana maging bukas ang mga deboto sa pagbabagong ito. Ngayon lang naman itong may pandemic,” aniya pa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?