37

Aug 12, 2021 @ 19:56
By

IATF may panukala na sa quarantine ng 3 lugar

Hinihintay na lamang ng Inter-Agency Task Force ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa magiging quarantine status ng Laguna, Iloilo City at Cagayan de Oro City na kasalukuyang nasa enhanced community quarantine (ECQ).

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na may rekomendasyon na ang IATF subalit hindi niya ito maaaring ianunsiyo hanggat hindi inaaprubahan ng pangulo.

Pero tiniyak ng kalihim na bago mag-August 15 ay magkakaroon na ng desisyon kung palalawigin o hindi ang lockdown sa tatlong nabanggit na mga lugar.

“Mayroon na pong rekomendasyon ang presidente. Inaantay na lang po natin ang approval ng ating presidente pagdating sa mga lugar na mapapaso na ang ECQ nila ” ani Roque.

Matatapos sa August 15 ang ECQ sa Laguna, Iloilo City at Cagayan de Oro City na nagsimula noong August 6, 2021.

Sinabi ni Roque na wala pang rekomendasyon ang IATF para sa Metro Manila na kasalukuyang nasa ECQ hanggang sa August 20, 2021.

Susundan aniya ng IATF ang pamantayan ng mga eksperto, partikular ang daily attack rate, two-week average attack rate at hospital care utilization rate bago makapagrekomenda ng bagong quarantine classifications.

“Sa Metro Manila wala pa pong rekomendasyon dahil ito naman po ay hanggang a-bente pa ng Agosto,” dagdag ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?