30

By

Huwag n’yo namang gawing gatasan ang PSC – Butch

Sasalain sa susunod na buwan ng Philippine Sports Commission (PSC) ang lahat ng miyembro ng pambansang koponan mula elite, developmental team at coaches tungkol sa ulat na ginagawang ‘gatasan’ lang ng ilang national sports associations (NSAs) ang ahensiya.

“Madugo ito,” bulalas ni PSC chairman William ‘Butch’ Ramirez matapos dalawin ang isang anak ng dating Olympian na ikinuwento ang buhay ng kanyang nagsumikap na ama para maitaguyod ang ikagaganda ng sports sa bansa at maikumpara ang buhay noon ng mga atleta sa henerasyon ngayon.

“I was inspired by his father’s story. Ang mga atleta noon ay nagpapakamatay para lang makapagsuot ng kulay ng Pilipinas na kakaiba na talaga ngayon sa situwasyon natin,”ani Ramirez, dismayado sa nakalipas na kampanya ng bansa sa iba’t ibang sinasalihang torneo ng mga asosasyon.

Ipinaliwanag ni Ramirez na lilinisin ng ahensiya ang mga NSAs na maraming miyembro pero hindi atleta, gayundin ang mga asosasyon na may malalapit na kamag-anak na kahit hindi pasado ay humaharbat ng allowances sa ahensiya.

“We have 900 athletes and some 600 coaches for a total of 1,500 under our payroll. Nakakapagtaka naman kung bakit 24 ginto lang ang ating napanalunan sa SEA games, eh simula pa lang January-December kada taon ay kumpleto sila ng suporta sa gobyerno,” pakli ni Ramirez.

“Ayaw ko sana isipin na ginawa na nilang ‘gatasan’ ang PSC but we will look this hundreds of non-athletes, and those also reported as “some of them relatives” of officials in the National Athletes Pool (NAP),” aniya pa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?