74
magdalo-gary-alejano
Oct 25, 2017 @ 14:45

Huwag ipilit ang ayaw ng taumbayan

By Gary Alejano

Mukhang kailangang maipaalala sa mga appointees ni Duterte na sila ay alter ego ng Pangulo. Hindi nila maaaring igiit na kapag sila ay nagbibitaw ng mga pahayag, ito ay ginagawa nila bilang ordinaryong mamamayan.

Sa kanyang video message noong October 8, 2017, inudyukan ni DILG Asst. Secretary Epimaco Densing ang mga Pilipino na magsagawa ng kilos-protesta para suportahan ang revolutionary government na bukambibig ngayon ni Duterte. Naniniwala siya na kapag nakita ni Duterte na aabot ng isang milyon ang mga Pilipino sa Metro Manila na magkakaisa para suportahan ang revolutionary government ay susunod ang Pangulo sa kagustuhan nila. Aniya, sa pamamagitan nito ay maipupwesto na ang federal form of government.

Tila ang layon ni Asec. Densing ay tibagin at wasakin ang Konstitusyon dahil wala siyang tiwala sa lahat ng sangay ng gobyerno, lalo na sa Kongreso na mayorya ay kaalyado ng kanilang amo. Kung nagkataong ordinaryong mamamayan lang si Asec. Densing at hindi appointee ng Pangulo, sapat na dahilan na ito para siya ay makasuhan ng “inciting to sedition”.

Naaalibadbaran ata si Asec. Densing sa demokrasya kaya nais niyang i-shortcut ang pagpapalit ng sistema ng gobyerno. Kung dito pa lang ay ayaw na nilang sumunod sa Saligang Batas at ayaw nilang nakakarinig ng kritisismo, ano na lang ang mangyayari kapag revolutionary government pa ang iiral sa ating bansa?

Hindi rin katanggap-tangap na sabihin ng mga kaalyado ng Pangulo lalo na si Presidential Legal Adviser Salvador Panelo na nasa likod ng Pangulo ang 16 na milyong bumoto sa kanya at ito ay susuporta sa lahat ng nais nila.

Hindi iniluklok ng 16 na milyong Pilipino si Duterte para maging diktador. Hindi siya ibinoto para labagin ang Saligang Batas. Hindi siya iniluklok para sirain ang demokratikong gobyerno umiiral ngayon.

Iniluklok siya ng 16 na milyong Pilipino iangat ang kanilang buhay, para ipagtanggol ang demokrasya, ipagtanggol ang Saligang Batas, idepensa ang ating bansa sa mga mananakop at protektahan ang mga mamamayan.

Ano ang kasiguraduhan na lahat ng gusto ni Duterte ay sinusuportahan pa rin ng 16 na milyong bumoto sa kanya? Hindi ba bumababa na ang rating ng Pangulo dahil sa kaliwa’t kanang pagpatay sa mga mahihirap na sumuporta sa kanya noong nakaraang eleksyon? Hindi ba marami na rin ang nadidismaya sa mga pangakong ngayon ay napapako na?

Huwag pasiguro ang mga nasa likod ni Duterte sa 16 na milyong susuporta raw sa revolutionary government dahil kung tutuusin ay minority pa rin ito sa mahigit 100 milyong Pilipino. Huwag na huwag ding pasiguro na lahat ng 16 na milyong bumoto sa kanya ay supporters niya dahil kung ang opinyon ni Dr. Zeus Salazar ang pagbabasehan, hindi sa kanya lahat ang 16 na milyong boto. Malaking bahagi daw sa 16 na milyon ay boto sa pamamagitan ng mga kaalyado niya tulad nina Bongbong Marcos, GMA, Enrile, Erap, Revilla, Villar at iba pa. Kung wala ang mga ito, hindi raw lalagpas sa 6 na milyon ang botong nakuha ni Digong.

Huli, hindi lang 16 na milyon ang pinagsisilbihan ng Pangulo kundi lahat ng mga Pilipino. Bumoto man sa kanya o hindi, kailangan niyang pakinggan ang hinaing ng lahat ng mamamayan. Maling ipilit sa taumbayan kung ito naman ay mariing na tinututulan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?