By

Huwag ibalik sa PNP ang ‘war on drugs’ – Drilon

Sharing is caring!

Umaawat si Senate minority leader Franklin Drilon sa plano ni Pangulong Duterte na ibalik sa Philippine National Police (PNP) ang pangunguna sa giyera laban sa ilegal na droga.

Nangangamba ito na dumami muli ang mga patayan at masundan ang sinapit nina Kian delos Santos at Carl Arnaiz, mga menor de edad na hinihinalang sadyang pinatay ng mga pulis dahil pinaghinalaang drug pusher.

Nitong Sabado ng gabi, sinabi ng Pangulo na ibabalik niya sa PNP ang pangunguna sa war on drugs kapag lumala ang sitwasyon at hindi siya mapipigilan kahit pa ni US president Donald Trump.

Inilipat ng Pangulo ang lead role sa war on drugs sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong Oktubre 10 bunsod ng mga kaso ng pagpatay sa drug suspect kung saan mga pulis ang itinurong salarin.

“Huwag na sanang ibalik sa PNP. Ang batas ay maliwanag naman na ang pagsugpo sa droga ay nasa PDEA,” ayon kay Drilon.

“Sa ating nababasa sa pahayagan, at inaamin naman na mahigit 6,000 o 7,000 ang namatay sa kampanya laban sa ilegal na droga na hinahawakan ng pulisya. Huwag naman sana ‘yang maulit,” dagdag ng senador. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?