48
magdalo-gary-alejano
By

Huwad na kampanya kontra droga

Sharing is caring!

Isa mga nakakabahala sa naging SONA ni Pangulong Duterte ay ang tila pagtalikod nito sa kanyang sinumpaan na igagalang ang karapatang pantao sa kanyang giyera kontra ilegal na droga.

Ang sabi ng Pangulo, buhay ng mga tao ang kanyang pinahahalagahan pero papaano niya ito magagawa kung hindi niya igagalang ang karapatan ng mga tao?

Tulad ng lagi nating sinasabi, walang kumokontra sa pagsugpo ng ilegal na droga subalit kailangang idaan ito sa proseso at pairalin ang rule of law. Hindi tulad ng nangyayari ngayon na dahil lang sa hinala ay pinapatay na agad. Karamihan pa nang napapatay ay mahihirap.

Mula nang inilunsad ng Pangulo ang giyera kontra ilegal na droga nang maupo ito sa Malacanang noong Hunyo 30, 2016, mahigit 23,000 na ang napatay at halos lahat ay pobre na walang kakayahang humingi ng hustisya. Sa bilang na ito, mahigit 4,000 ang napatay sa police operations. Ang laging katwiran ng mga pulis, nanlaban kaya napatay ang suspek. Ang mahigit kumulang 19,000 naman ay biktima ng mga vigilantes.

Hindi binigyan ng pagkakataon ang mga napatay na ito na maipagtanggol ang kanilang sarili sa husgado dahil nasentensyahan na agad sila ng kamatayan. Ang mas nakakalungkot, marami ang mga inosente at walang kinalaman sa ilegal na droga ang napatay sa giyerang ito. Kasama na pati mga batang walang kamuwang-muwang.

Dahil walang balak ang Pangulo na itiklop ang madugong giyerang ito, asahan na natin na lalo pang dadanak ang dugo sa mga lansangan. Dugo ng mga mahihirap at mga inosenteng tinatawag lamang na collateral damage ng administrasyong Duterte.

Kung talagang gusto ng Pangulo na iligtas ang mga susunod na henerasyon na mabiktima ng ilegal na droga, hindi ang mga biktima ang dapat nitong giyerahin kundi ang mga bumibiktima sa kanila. Hanggang ngayon po ay namamayagpag ang mga malalaking druglords sa ating bansa. Hindi maubos-ubos ang supply kahit mahigit 23,000 na ang napapatay sa giyerang ito. Patuloy pa ring nagpapasok ang mga Chinese nationals ng bulto-bultong ilegal na droga dito sa Pilipinas. Sa kabila ng mas mainit umano na relasyon ng Pilipinas sa China, ang administrasyong Duterte ay walang ginagawa upang solusyonan ito.

Sa loob ng dalawang taong giyera kontra droga ng administrasyong Duterte, patuloy pa din daw ang problema sa droga. Isa na itong pag-amin mula mismo sa Pangulo na walang naging epekto ang kampanya kontra droga ni Duterte. Ilang buhay pa ang papatayin ng administrasyong ito sa ilalim ng huwad na kampanya kontra droga?

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?