43

Feb 14, 2020 @ 10:24
By

Humina ang pag-alburoto! Taal Volcano binaba sa alert level 2

Tatlong linggo matapos ibaba ang lagay ng Bulkang Taal sa Alert Level 3, binaba muli ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa Alert Level 2 ang status ng bulkan ngayong Biyernes.

Ayon sa 8 AM bulletin ng Phivolcs ngayong Pebrero 14, 2020, sinabing patuloy ang pagbuga ng mahinang steam-laden plumes (singaw, usok, at abo) at paghina ng magmatic unrest sa nasabing bulkan.

“After step-down to Alert Level 3 last 26 January 2020, Taal Volcano’s condition in the succeeding three weeks has been characterized by less frequent volcanic earthquake activity, stabilizing ground deformation of the Taal Caldera and Taal Volcano Island (TVI) edifices and weak steam/gas emissions at the Main Crater,” sabi ng Phivolcs.

Mula 420 noong Enero 24 patungong 141 volcanic earthquake simula Enero 26 ang naitala ng Taal Volcano Network (TVN), habang ayon sa Philippine Seismic Network (PSN), kumonti sa 127 lindol, at mula magnitude 1.4 hanggang magnitude 4.3 ang naitala simula Enero 26.

Sabi ng Phivolcs, kayang maitala ng TVN ang maliliit na lindol na hindi kayang ma-detect ng PSN,

Kumonti rin ang nilalabas na sulfur dioxide, na nagsasaad ng pataas na galaw ng magma sa bukana o surface ng bulkan. Mula 140 tonelada/araw noong Enero 22 patungong 62 tonelada/araw simula Enero 26, na ayon sa Phivolcs ay “consistent with a weakly degassing shallow magma source, diminished plume activity or absorption of volcanic gas by a recovering lake at the Main Crater and by TVI’s (Taal Volcano Island) recovering hydrothermal system.”

Gayunman, dapat pa ring asahan ang biglaang steam-driven at mahihinang phreatomagmatic explosions, volcanic earthquakes, ashfall at nakamamatay na pagbuga ng usok sa isla at kalapit na mga baybayin.

Dapat din umanong maging handa ang mga residente sa agarang paglikas sakaling itaas muli ang alert level ng Bulkang Taal. Pinagbabawal din ang pagpunta sa Permanent Danger Zone ng TVI.

Nilinaw ng Phivolcs na hindi nangangahulugan ang alert level 2 na natapos na ang pag-aalburoto ng bulkan o naglaho na ang banta ng mapanganib na pagsabog.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?