14

Jul 30, 2021 @ 13:28
By

Human trafficking sugpuin – Gatchalian

Kailangang patatagin ng gobyerno ang mga batas para masugpo ang iba’t ibang mga anyo ng human trafficking, ayon kay Senador Win Gatchalian.

“Sa mga nalalabing buwan ng kasalukuyang administrasyon, mahalagang tutukan natin ang pagsugpo sa human trafficking, lalo na’t marami sa mga kabataan natin ang nanganganib maging biktima nito,” mensahe ni Gatchalian sa paggunita ngayong araw ng World Day Against Trafficking in Persons.

Nananatili ang “Tier 1” status ng Pilipinas sa 2021 Trafficking in Persons Report ng United States Department of State. Ibig sabihin, naipapatupad ng Pilipinas ang mga minimum standards upang masugpo ang human trafficking.

Sa kabila nito, patuloy ang banta ng human trafficking sa kaligtasan ng mga kabataan sa bansa.

Sa ulat ng State Department, karamihan sa pitumpu’t tatlong (73) traffickers na na-convict ng pamahalaan sa ilalim ng anti-trafficking act at kaugnay na mga batas ay sangkot sa sex trafficking ng mga kabataan.

Dalawampu’t lima (25) sa mga traffickers na ito ay nang-abuso ng mga kabataan gamit ang internet. Sa mahigit isang libo at dalawang daang (1,205) mga biktima ng trafficking na tinulungan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), mahigit isang daan at limampu (157) ang biktima ng online sexual exploitation of children (OSEC).

Matatandaang noong 2020 ay nakatanggap ang Department of Justice Office of Cybercrime ng mahigit 1.2 milyong Cybertipline reports mula sa National Center for Missing and Exploited Children ng Estados Unidos.

Ito ay mas mataas ng tatlong beses sa mahigit apat na raang libong (426,000) naitala noong 2019. Naalala pa nga ni Gatchalian na may mga insidente ng mga mag-aaral na nagbebenta ng mga malalaswang larawan at video para lamang makalikom ng pantustos sa distance learning. 

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?