45

Oct 20, 2017 @ 18:59

Huling ISIS bomber sa Marawi, tinutugis ng AFP

Isa pang Maute-ISIS commander ang hinahanap ng mga tropa ng pamahalaan sa Marawi City na kasama sa mga responsable sa paglusob sa lungsod.

Sinabi kahapon ni Armed Forces of the Philippines Spokesman Major General Restituto Padilla na isang Malaysian bomb expert ang kanilang hinahanap ngayon sa Marawi City na si Amin Baco alyas Abu Jihad.

Bagamat napatay na ng tropa ng pamahalaan sina Isnilon Hapilon, Omar Maute at Dr. mahmud Ahmad, sinabi ni Padilla na mapanganib din si Abu Jihad dahil isa itong miyembro ng Jemaah Islamiya na sinanay sa paggawa ng bomba.

Kasama aniya si Baco sa mga namonitor ng AFP na mga dayuhang kasamang lumusob sa Marawi noong May 23,2017.

“May isang prominenteng commander diyan, si Commander Baco, na atin pong hinahanap at maaaring naging partte na ng mga ilang namatay noong mga unang pagkakataon. So yan po yung mga bagay na kasama sa ating mga nais maberipika sa mga ginagawa tung hakbang sa loob ng Marawi,” ang pahayag ni Padilla.

Kahit pahupa na ang bakbakan sa Marawi City , sinabi ng heneral na hindi nila muna papayagang makabalik ang mga evacuees dahil kailangan pang siguruhing malinis na ang mga lugar sa mga nakatanim na bomba o patibong ng Maute terror group.

Sinabi ni Padilla na hindi nila gustong matulad ang mga evacuees sa mga biktima ng digmaan sa Laos atCambodia na matapos bumalik sa kanilang lugar ay napinsala ang mga ito, nawalan ng kamay o mga paa dahil sa mga nakatanim na bomba at landmine ng mga komunista. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?