31

Oct 1, 2021 @ 12:46
By

Huling budget ni PDuterte inaprubahan ng Kamara

Inaprubahan ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang P5.024 trilyong budget para sa 2022, ang huling budget na aaprubahan sa ilalim ng Duterte administration.

Sa botong 238 pabor at anim na tutol, inaprubahan ng Kamara ang 2022 General Appropriations Bill (House Bill 10153).

Isinagawa ang botohan sa ikatlong pagbasa ilang minuto matapos itong aprubahan sa ikalawang pagbasa sa pamamagitan ng voice voting.

Sinertipikahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pangangailangan na kaagad maipasa ang GAB kaya nagkaroon ito ng exemption sa three-day rule. Ang mga ordinaryong panukala ay maaari lamang pagbotohan sa ikatlong pagbasa tatlong araw matapos itong ipasa sa ikalawang pagbasa.

Isinumite ng Department of Budget and Management (DBM) ang 2022 National Expenditure Program (NEP) noong Agosto 23. Agad itong isinalang sa deliberasyon ng House Committee on Appropriations.

Isinalang naman ito sa deliberasyon ng plenaryo noong Setyembre 21.

Nauna ng sinabi ng liderato ng Kamara na nais nilang maipasa ang GAB sa Setyembre 30, ang araw bago magsimula ang break ng sesyon kaalinsabay ng paghahain ng certificate of candidacy ng mga tatakbo sa 2022 elections.

Kumpiyansa si Speaker Lord Allan Jay Velasco na makatutulong ng malaki ang budget upang makaahon ang bansa mula sa epekto ng pandemya.

“The swift and smooth passage of the proposed 2022 national budget shows our collective commitment and resolve to help our kababayans and economy build back better and hasten economic recovery through the effective delivery of government services,” sabi ni Velasco sa kanyang adjournment speech.

Binigyan-diin ni Velasco ang kahalagahan na maisabatas ang GAB sa oras upang magtuloy-tuloy ang serbisyong naibibigay ng gobyerno.

“In the end, we have collectively moved to make a difference for our country. Ito ang budget ng bayan, para sa bayan,” dagdag pa ni Velasco.

Ang panukalang budget para sa 2022 ay 22.8% ng gross domestic product ng bansa at mas mataas ng 11.5% sa budget ngayong taon.

Ang education sector na binubuo ng Department of Education (DepEd), State Universities and Colleges (SUCs) at Commission on Higher Education (CHED) ang may pinakamalaking budget na umaabot sa P773.6 bilyon.

Sumunod naman ang Department of Public Works and Highways (P686.1 bilyon); Department of the Interior and Local Government (P250.4 bilyon); Department of Health at Philippine Health Insurance Corp. (P242 bilyon); Department of National Defense (P222 bilyon); Department of Social Welfare and Development (P191.4 bilyon); Department of Transportation (P151.3 bilyon); Department of Agriculture and National Irrigation Authority (P103.5 bilyon); Judiciary (P45 bilyon); at Department of Labor and Employment (P44.9 bilyon). (Billy Begas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?