15

Nov 2, 2021 @ 15:53
By

Hubad face shield pinag-uusapan na

Tinatalakay na sa pulong ng mga eksperto at ng Inter-Agency Task Force kung tatanggalin o ipagpapatuloy ang paggamit ng face shield sa gitna ng pagbaba ng COVID-19 case sa bansa.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na kasama sa agenda ng mga pagpupulong ang usapin sa paggamit ng face shield.

“I can confirm na habang bumababa ang mga numero eh pinag-uusapan na rin po kung ipagpapatuloy pa ang pagsusuot ng face shield,” ani Roque.

Marami na aniya ang humihirit na alisin na ang pagsusuot ng face shield subalit wala pang desisyon dito ang IATF.

Habang wala pang opisyal na desisyon ang gobyerno, hinikayat ni Roque ang publiko na magsuot pa rin ng face shield lalo na sa mga lugar na nasa kategorya ng 3Cs para hindi mamiligro sa COVID contamination.

“Wala pa pong desisyon, so suot pa rin po tayo ng face shields. Bagama’t dumadami ang sumusuporta doon sa hindi na paggamit ng face shield dahil bumababa na ang numero, isuot pa rin natin ang face shields lalo na doon sa 3Cs when in the outdoors,” dagdag ni Roque.

Sinabi naman ni Dr. Edsel Salvaña, director ng UP Institute of Molecular Biology and Biotechnology, na dahil pababa na ang kontaminasyon, maaari na aniyang alisin ito sa indoor subalit siguraduhin lamang na bakunado na ang mga tao.

“If the risk is going down, iyong sa outdoor naging recommendatory na lang but for indoors, siguro we have to make sure everyone is vaccinated muna before we remove those face shields, baka hindi muna sa mga unvaccinated at we will continue to study this,” ani Dr. Salvaña.

Idinagdag ni Salvaña na dagdag proteksiyon ang face shield dahil pupuwedeng pumasok ang COVID-19 sa mata.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?