75

Dec 3, 2020 @ 10:54
By

HRW: Pag-pose ng militar kasama yumaong anak ni Cullamat ‘war crime’

Pinagbabawal sa mga batas ng digmaan ang pag-pose ng pag-pose ng bangkay ng isang indibidwal na napatay sa isang engkwentro para sa litrato.

Punto ito ng Human Rights Watch (HRW) na pinuna ang group photo ng mga sundalo kasama ang labi ng napatay na bunso ni Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat na si Jevilyn Campos Cullamat.

Unang pinost at inulat ng military-ran Kalinaw News ang mga larawan matapos ang engkuwentro sa pagitan ng 3rd Special Forces Battalion ng Philippine Army at 30 miyembro ng NPA.

Sa ulat, sinabi na si Jevilyn–na tumatayong medic ng NPA–lamang umano ang nasawi sa naturang bakbakan.

Sa mga larawan na pinost ng Kalinaw News, at pinadala sa iba pang media outlet, may isa roon na naka-pose ang ilang militar kasama ang labi ni Jevilyn, mga watawat ng CPP-NPA-NDF, at mga nakumpiskang armas at gamit sa shootout.

Punto ng HRW, mali ito dahil laban ito sa dignidad ng napaslang na indibidwal at pinagbabawal ito sa mga batas ng digmaan.

“Merely photographing fatalities of war is not a violation of international humanitarian law. However, posing the body for photographs is an outrage against the dignity of the individual who was killed, and is prohibited under the laws of war,” sambit ni Phil Robertson, deputy Asia director ng HRW, Disyembre 3.

Sabi ng HRW, ang ginawa ng militar ay maituturing na “war crime” sa ilalim ng Rome Statute na isang international agreement na in-adopt ng 120 countries noong Hulyo 1998.

Paglabag din anila ito sa 1998 Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) ng Philippine government at ng National Democratic Front (NDF), at mismong sa military manual ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Una nang pinunto ng Bayan Muna Rep. na “hindi tropeo” ang kanyang anak “na ipaparada para lamang sa propaganda ng militar.”

“Hindi niyo na ginalang ang patay, binabastos pa ninyo ang nagluluksa naming pamilya,” ayon pa sa mambabatas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?