39

Jan 15, 2022 @ 15:03
By

House-to-house vaccination dapat palakasin – Palasyo

Nais ng Malacañang na palakasin ng mga local government unit (LGU) ang house-to-house vaccination para maabot ang mga mamamayan na hindi pa bakunado.

Ito ang isa sa nakikitang mga solusyon ng Palasyo para mabakunahan ang mga hindi pa nabibigyan ng proteksiyon laban sa COVID-19.

Sinabi ni acting Presidential Spokesman Karlo Nograles na nakikita nilang magiging epektibo kung magbabahay-bahay ang mga lokal na opisyal para mabakunahan ang mga senior citizen at mga may comorbidities na walang kakayahang makabiyahe para makapunta sa mga vaccination center.

“Isa sa mga nakikita nating effective na ginagawa ng ibang LGUs ay yung house to house na pagbabakuna. Yung house to house campaign will be very effective kasi para yung successibility…,” ani Nograles.

Sinabi ng kalihim na marami pa ring mga senior citizen ang hindi nababakunahan lalo na sa labas ng Metro Manila kaya ito ang itinutulak na nila ngayon sa mga LGU.

“Ang target natin senior citizens at mga vulnerable lalo na mga areas na outside of NCR plus. Mayroon tayong mga kababayan na talagang mahihirapan silang lumabas, mahihirapan silang pumunta sa vaccination sites so kailangan talaga barangay per barangay yan,” dagdag ni Nograles.

Naniniwala si Nograles na may kakayahan ang LGUs na mag-schedule para magbahay-bahay at magbakuna para sa mga matatanda at may mga sakit kaya ipupursige nila ito.

Iilan-ilang LGUs pa lamang ang gumagawa nito kaya pag-uusapan sa mga susunod na araw ng Palasyo kung paano ito mapaigting para mabigyan ng proteksiyon laban sa COVID-19 ang mga hindi pa nababakunahang mamamayan.

“Yun ang isinusulong natin sa LGUs, may kakayahan naman sila to schedule yung mga house-to-house visits at house-to-house vaccination especially para sa mga senior citizens, those with comorbidities na hindi makapagbiyahe at makakapunta sa vaccination sites. Kailangan reach out na lang tayo sa kanila,” wika ni Nograles. (Aileen Taliping)

‘Best of Sportalakan’ Sabong edition

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?