68

May 24, 2018 @ 12:36
By

House minority, malamig sa impeachment vs 8 SC justices

Walang aasahang suporta sa hanay ng oposisyon sa Kamara ang impeachment complaint na balak ihain ng independent minority laban sa walong mahistrado ng Korte Suprema na pumabor sa quo warranto laban kay dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Ayon kay Deputy Minority Leader Eugene Michael de Vera, dapat irekonsidera ng Magnificent 7 ang kanilang plano at respetuhin na lamang ang desisyong nagpatalsik kay Sereno.

Katuwiran ni De Vera, wala ring mararating ang ikakasang reklamo sa walong justices dahil ginawa lamang ng mga ito ang kanilang trabaho nang desisyunan ang quo warranto petition na inihain ng Solicitor General.

“You can criticize the decision of the [Supreme Court], but you have to obey it and respect it,” ani De Vera.

Naniniwala naman si Deputy Minority Leader Lito Atienza na walang pupuntahan ang impeachment complaint ng mga kasamahang kongresista.

Ipinagtanggol din ni Atienza ang desisyon ng Supreme Court na aniya’y produkto ng legal minds, legal interpretation at constitutional interpretation.

“Let us not forget, only the Supreme Court interprets the Constitution. How can you impeach a justice performing his acts, his duties?” sabi ni Atienza.

Mas pipiliin niya na aniya ang desisyon ng Korte Suprema kaysa sa Senate impeachment trial na ang nagdedesisyon ay mga politiko.

Nagbabala naman ang kongresista na baka magbukas ito ng floodgates sa impeachment complaints na ihahain ng mga natatalo sa kaso.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?