35

Jul 19, 2021 @ 15:15
By

House and lot papremyo sa bakunado sa Las Piñas

Isang buwan matapos ianunsyo na maaaring manalo ng bahay at lupa ang isang bakunadong residente ng Las Piñas, tumaas ng 205% ang bilang ng mga nagpabakuna ng dalawang dose ng COVID-19 vaccine sa lungsod.

Hanggang noong Hulyo 15, 100,535 katao na ang nakatanggap ng dalawang dose ng bakuna mula sa 32,971 noong Hunyo 14 nang ilunsad ni Deputy Speaker at Las Piñas Rep. Camille Villar ang “Bahay sa Bakuna” incentive program.

Umakyat na sa 313,045 katao ang nakatanggap ng bakuna sa siyudad kung saan 212,510 ang unang dose.

“I am so happy and overwhelmed by the response of my kababayans on this program as we ensure to get as many people as possible to get vaccinated,” sabi ni Villar.

Dumami rin umano ang bilang ng mga nagpapalista para makapagpabakuna.

“We are promoting this program not just as a way to incentivize people but also to prevent a surge in cases brought about by low vaccine turnout,” wika pa ng lady solon.

Isang bakunadong residente ng Las Piñas ang maaaring manalo ng bahay at lupa na nagkakahalaga ng P1.5 milyon mula sa programa ni Villar.

Mayroon ding mga mananalo ng consolation prize kasama ang dalawang bagong motorsiklo.

Ang lokal na pamahalaan ay nagbibigay din ng grocery items kada buwan para sa mga nagpabakuna.

Ang Las Piñas ang ikalawa sa 17 lokal na pamahalaan sa Metro Manila pagdating sa vaccine utilization rate.

Nakapagtala ito ng 95.74% utilization rate, sunod sa Pasay City.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?