66

Mar 5, 2020 @ 16:44
By

Hostage-taking sa Greenhills, iimbestigahan sa Kamara

Sisiyasatin sa Kamara ang nangyaring pangho-hostage ng isang dating security guard sa Virra Mall sa lungsod ng San Juan.

Pangungunahan ng House Committee on Labor and Employment ang motu proprio investigation sa Marso 10 na sesentro sa ‘labor concern’ partikular na ang kalagayan ng mga security guard sa bansa na tila hindi nabibigyan ng pansin.

Ayon kay 1PACMAN Rep. Eric Pineda, chair ng komite, hindi niya kinukunsinti ang ginawa ng security guard na si Alchie Paray na nagdulot ng gulo at panganib sa buhay ng kanyang mga binihag ngunit mahalaga pa ring alamin ang mga dahilan kung bakit niya ito ginawa.

“I do not condone his actions – endangering lives and violating public order and safety laws. However, there may have been compelling reasons as to why Mr. Paray took such desperate actions, and it’s a matter we should look into,” ayon kay Pineda.

Hindi naman umano humingi ng pera si Paray, sa halip ang nais lamang nito ay pakinggan ang kanyang panig na kung saa’y isiniwalat nito ang kapalpakan, kapabayaan at korapsyon sa mga security agency.

Tinukoy pa umano ng guwardiya ang hindi makataong kondisyon at pagtrato sa kanila ng kanilang mga employer.

Dahil dito, ayon sa kongresista, ang pahayag umano ni Paray ay sapat nang dahilan upang kumilos at imbestigahan ito ng kapulungan.

“It is imperative that the House of Representatives through its Labor Committee to exercise its oversight duty on matters concerning the welfare and protection of our hardworking workers. How can we expect a security guard to perform his task to secure the safety of the areas assigned to him if he himself does not feel secured in terms of his employment? I find it ironic and unacceptable,” dagdag ni Pineda.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?