14
strike-revilla
By

Hopeline

Sharing is caring!

Sa paglaganap ng balita ng pagkamatay ng dalawang sikat na personalidad – sina Kate Spade at Anthony Bourdain – na paglao’y nalamang dulot ng suicide, muling napag-usapan ang napakasensitibo, ngunit napakahalagang paksa na ito.

Ayon kay Dr. Herminigildo Valle, Undersecretary ng Department of Health (DOH), kahit na walang malinaw na statistics sa suicide ang bansa, noong 2012 ay may naitalang 2,550 na kaso nito. Ito raw ang pangalawang pinakamataas na dahilan ng pagkamatay sa mundo sa mga nasa pagitan ng 15 – 29 taong gulang.

Kaya naman mahalaga na lahat tayo ay pamilyar sa mga maaaring warning signs dahil baka ito ang magsalba sa buhay ng ating mga minamahal. Ayon pa rin kasi kay Dr. Valle, halos 90% ng mga suicidal ay nagpapakita ng senyales na madali namang mapansin kung bibigyan lamang ng sapat na atensyon.

Kabilang sa mga senyales na makikita ay ang pagbabago sa mga nakagawiang activity, ang biglaang pagiging mapag-isa, ang pagiging lutang, at ang biglaang pagbabago ng ugali. Dapat din daw seryosohin ang pagpapakita ng kawalan ng pag-asa, ang mga ‘di inaasahang pagbibiro o joke ng pagpapatiwakal, at ang pananakit sa sarili.

Kung mapapansin ang mga ito, marapat daw na hindi pabayaan ng pamilya ang depressed na kaanak. Mahalagang maiparamdam sa kanya ang kanilang pagmamahal at pakikiramay. Importante rin daw na huwag maging judgemental at pakinggan ang masasabi ng nagdaramdam.

Matagal nang debate ang puno’t dulo ng depresyon. Iba’t iba kasi ang dahilan sa pagdapo nito sa tao. Nariyan ang pakiramdam ng pagkukulang o kakulangan, ang pakiramdam ng pagkakamali lalo na sa mga tinatawag na achievers at perfectionist, problema sa pamilya, kakapusan sa buhay, at marami pa. Mayroon din namang mga kaso ng hormonal o chemical imbalance na natutugunan ng gamot.

Wala sa estado ng buhay ang depresyon. Wala rin ito sa edad. Nakakagulat pa nga na kung titignan ang mga kaso na pumapasok sa DOH HOPELINE, nasa edad 13 – 29 ang mga tumatawag sa kanila.

Anuman ang dahilan, ang mahalaga ay ang ating pang-unawa. Kilala ang mga Pilipino sa matibay na kalooban, mapagmahal na damdamin, at pakikisamang walang katumbas sa mundo. Gamitin natin ang mga katangiang ito para umalalay sa ating mga mahal sa buhay na may mga pinagdadaanan at samahan natin silang makalampas sa mga ito.

Sa mga dumadaan naman sa depresyon ngunit walang matakbuhan, mapagsabihan, o kailangan ng karamay, pwede pong tumawag sa DOH HOPELINE sa (632) 8044673, o 09175584673. Ito ay pinatatakbo ng DOH, ng World Health Organization, at ng Natasha Goulbourn Foundation.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?