9

Sep 30, 2020 @ 15:21

Hontiveros: Tanging mga kompanyang ‘safe, worker-friendly’ ang bigyan ng tax incentive

Dapat umanong mag-benefit ang mga manggagawang Pinoy at mapabuti ang kanilang buhay sa gitna ng pandemya kapag naisabatas ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) bill, ayon kay Senador Risa Hontiveros.

“Bukod sa paglago ng kita ng mga negosyo, dapat ay masiguro natin na darami ang ligtas at maayos na trabaho para sa ating mga kababayan,” sabi ni Hontiveros sa isang statement.

Aniya, sa Senate version ng panukalang CREATE bill, dapat matiyak na ang mga kumpanya at employer na ‘safe’ at ‘pro-worker’lamang ang maaring maka-avail na tax incentives na ito.

Sa kanyang interpelasyon sa panukala noong Martes, sinabi ni Hontiveros na ang CREATE bill ay dapat gamitin sa pagpapatupad ng kinakailangang proteksiyon para sa mga manggagawa.

“Big businesses should not be the only ones to benefit from the provisions of the CREATE Bill. Dapat unang makinabang ang mga manggagawa sa pamamagitan ng ligtas na trabaho, tamang sahod at benepisyo na naayon sa batas,” anang senadora.

Dahil dito, isinusulong ni Hontiveros ang isang bagong probisyon sa panukala na mag-oobliga sa mga negosyo na gusto makakuha ng mababang tax rate at incentives – tulad ng 25 porsiyentong corporate income tax – na mkuha muna ng “seal of good housekeeping” mula sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Ang seal na ito, may magsisilbing sertipikasyon na sila ay sumusunod sa practices at standards para maprotektahan ang karapatan at kapakanan ng mga manggagawa.

Umaasa din ang senador na sa pinal na bersyon ng CREATE bill, makikita ang probisiyon na pro-worker tulad ng ‘unsafe working conditions, inequitable pay and other abuses and injustices.”

“CREATE is a chance at a new social contract. Hindi na pwede ang dating gawi na ang mga manggagawa ay nagtitiis sa kakarampot na sahod, kulang na benepisyo at iba pang labor injustices,” ani Hontiveros.

“Ang pagsagip sa kapital ay nakabatay dapat sa pagsagip sa ating mga manggagawa. Yan ang kontratang dapat lang sa new and better normal,” diin pa nito. (Dindo Matining)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?