64

Jun 17, 2020 @ 14:03
By

Hontiveros sa BIR: Bawiin tax memo sa online seller

Nanawagan si Senador Risa Hontiveros sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na bawiin, suriin, at muling sulatin ang nilabas nilang memorandum circular tungkol sa pagpaparehistro at pagbubuwis sa sa mga online seller.

“Naging magulo para sa mga online sellers ang memo mula sa BIR. Mabuti pang bawiin, i-review, at i-rewrite muna ng ahensiya ang guidelines na nilabas nila,” ani Hontiveros.

Sa Revenue Memorandum Circular (RMC) 60-2020 na nilabas ngayong Hunyo, pinaalalahanan ng BIR ang lahat ng taong nagnenegosyo gamit ang anumang uri ng electronic platform na magparehistro ng kanilang negosyo alinsunod sa Section 236 ng National Internal Revenue Code (NIRC) hanggang July 31, 2020.

“Kung may deadline man, sana ay iurong muna dahil nasa panahon tayo ng matinding krisis.”

Ginawa ng senador ang pahayag matapos sabihin ng Department of Trade and Industry (DTI) na exempted sa pagpaparehistro at buwis sa BIR ang mga maliliit ng online seller na kumikita ng P250,000 pababa kada taon.

“Magandang magdeklara muna ang BIR ng moratorium sa pagpapa-register ng online sellers at bawiin muna ang mga guidelines sa ilalim ng RMC 60-2020, habang nasa panahon tayo ng krisis,” sambit pa nito.

Dapat aniyang isipin ng gobyerno na marami ang nawalan ng hanapbuhay sa pandemya kaya’t naisipan ng ilan na gumawa ng paraan para kumita–sa pamamagitan ng online selling.

“We should not punish them with confusing guidelines and hefty fees. Dapat maging malinaw sa BIR circular ang mga exemptions para sa mga small online sellers at para sa mga nag-o-online selling bilang pantawid ngayong marami ang nawalan ng trabaho at kita,” saad pa ni Hontiveros.

Kung maipapatupad ng BIR ang naturang circular, gagastos umano ang mga online seller nang P2,260 sa pagpaparehistro at sa pag-iwas sa multa.

“Imbes na matulungan ang ating mga online sellers, mas lalo pa silang mamumulubi dahil sa laki ng gastos nila sa registration at para maiwasan ang penalties ng BIR,” ani Hontiveros.

“Sa panahon ng COVID-19 crisis at ginagawang pantawid-kita ang online selling, pahirap ang kasalukuyang requirements ng BIR sa ating mga kababayan,” wika pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?