5

Jun 11, 2021 @ 14:57
By

Hontiveros: Presensiya ng Tsina sa WPS insulto sa kalayaan ng Pilipinas

Sa araw ng Araw ng Kalayaan sa Sabado, nanawagan si Senadora Risa Hontiveros sa sambayanang Pilipino, lalo na sa mga opisyal ng gobyerno na magkaisang manindigan laban sa unti-unting pagguho ng soberanya sa West Philippine Sea (WPS).

“Nanawagan ako sa lahat ng mga Pilipino na ipahayag — upang marinig ng Tsina at ng iba pang mga kapangyarihang bansa — na ang Pilipinas at ang West Philippine Sea ay atin,” pahayag ni Hontiveros.

“Wag nang tawaging matalik na kaibigan ang Tsina; walang pangmamaliit sa ating tagumpay sa The Hague noong 2016; walang pagluhod sa Tsina,” dagdag pa nito.

Ayon kay Hontiveros, ngayong taon ay mas malalim na kahulugan ang Araw ng Kalayaan para sa sambayanang Pilipino lalo na’y patuloy ang ginagawang pananakop ng Tsina sa teritoryong pag-aari ng Pilpinas sa WPS.

Matatandaan na higit 200 mga sasakyang pandagat ng Tsina ang sumiksik sa karagatan sa West Philippine Sea —na ikinabinulag ng pamahalaan.

“Patuloy na tinatanggihan ng Tsina ang pag-access sa WPS sa kabila ng maraming mga panawagang diplomatiko para siya ay sumunod sa internasyunal na batas at umalis,” ani Hontiveros.

“Sadyang nagbibingi-bingihan ang Tsina sa mga kahilingan ng global community na sumunod siya sa international law at panatilihin ang pinaghirapang kapayapaan at seguridad sa rehiyon,” sambit pa nito.

Sabi pa ni Hontiveros, hindi katanggap-tanggap ang pagpasok ng China sa teritoryo ng Pilipinas. at hindi kailanman ay hindi ito dapat ituring na normal.

Kinondena din nito ang ginagawang pagtaboy ng mga Tsino sa Pilipinong mangingisdang nakikipagsapalaran sa kanilang tradisyonal na pangingisdaan bukod pa sa pagharang sa Philippine Coast Guard na nagsasagawa ng mga lehitimong pagpapatrol sa WPS.

“Ang mga Pilipinong opisyal na kinondena ang mga ambisyosong pag-angkin ng Tsina, sinisiraan rin gamit ang mga maling impormasyon at kasinungalingan,” ani Hontiveros.

“Ang lahat ng ito ay insulto sa kalayaan ng Pilipinas at insulto sa ating mga ninuno na nakipaglaban at nagpakahirap para sa kalayaan na tinatamasa nating mga Pilipino ngayon. Ito ay isang kalapastangan ng kanilang memorya,” sambit pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?