115

Sep 17, 2019 @ 13:44
By

Hontiveros pinasusuri ang pagtabla kay Lorenzana sa AFP-Mislatel deal

Pinaiimbestigahan sa Senado ni Senadora Risa Hontiveros ang implikasyon sa seguridad ng bansa sa diumano’y kasunduan sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Chinese firm na Dito Telecommunity Corp. kaugnay ng pagtatayo ng communication facility sa base military ng bansa.

Inihain ng senadora Resolution 137 matapos aminin ni National Defense Secretary Delfin Lorenzana na wala siyang alam tungkol sa kasunduan ng AFP at Dito, dating Mislatel na pag-aari ni Dennis Uy na kilalang kaibigan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Hontiveros, ito ang pangalawang beses na initsapwera si Lorenzana sa pagpasok ng mga kasunduan sa Chinese firm. Noong Agosto, hindi rin umano ito kinonsulta hinggil sa isyung pangseguridad patungkol sa pagpayag sa isang Chinese firm sa pag-develop sa tatlong isla sa Luzon.

“Ito na ang pangalawang beses na hindi nakonsulta ang defense secretary tungkol sa mga diumanong Chinese deals na pinapasok ng ating pamahalaan na may seryosong implikasyon sa ating pambansang seguridad,” ani Hontiveros.

“Sa isang panahon na patuloy ang panghihimasok ng Tsina sa West Philippine Sea, napaka-iresponsable na pumasok tayo sa mga kasunduan sa kanila na hindi sinusuri ang epekto nito sa ating pambansang seguridad at kaligtasan,” dagdag pa nito.

Paliwanag ni Hontiveros, nakasaad umano sa kasunduan, na magtatayo ang naturang Chinese telecom ng telecommunication infrastructure sa mga military base kaya’t malaking banta aniya sa seguridad ng bansa bukod sa posibilidad na gamitin ito sa pag-espiya ng China sa Pilipinas.

“There is an urgent need to determine whether or not the presence of Chinese facilities in military bases and installations undermines national security and whether or not the lease agreements entered into for this purpose comply with applicable law,” ani Hontiveros.

Ang nasabing kasunduan na pumapayag sa pag-lease ng bahagi ng military base ay paglabag din umano sa Section 88 ng Public Land Act kung saan nakasaad doon na ang mga military reservation ay hindi puwede iparenta o ibenta.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?