28

Jun 29, 2020 @ 12:59
By

Hontiveros: Pasaway na POGO kanselahin lisensiya

Pinakakansela ni Senador Risa Hontiveros sa Philippine Amusement Gaming Corporation (PAGCOR) ang lisensiya ng ilang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) dahil sa pagkabigong magbayad ng kaukulang buwis na nagkakahalaga ng P50 bilyon noong 2019.

“Kanselahin na ang lisensiya kung hindi pa rin maka-comply sa pagbabayad ng buwis,” aniya.

“PAGCOR should exercise its regulatory powers and come down hard on tax-evading POGOs. Dahil kung wala namang parusa, wala namang multa, bakit pa nga ba sila magbabayad?” dagdag niya pa.

Ginawa ni Hontiveros ang pahayag matapos ihayag ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na nagkaroon ng delay sa muling pagbubukas ng POGO dahil hindi sila nagbayad ng buwis at hindi sila nagsumite ng notarized commitment sa pagbabayad ng naturang utang.

Sa Offshore Gaming Regulatory Manual ng PAGCOR na inisyu noong Hulyo 3, 2018, sinumang POGO ang hindi nagbayad ng buwis ay hindi na dapat pang i-renew ang lisensiya.

“Bureau of Internal Revenue (BIR) na mismo ang nagkumpirma na walang POGO ang nakapagbayad ng utang na P50 bilyon sa franchise tax at withholding tax para sa muling pagbubukas ngayong may community quarantine,” saad ng senador.

“Kung hindi sila sumusunod despite repeated warnings, hindi na lang dapat temporary closure ang katapat. It’s time to cease their operations,” sambit pa nito.

Nauna nang sinabi ng BIR na 50 offshore online casino ang hindi pa nakakapagbayad ng franchise tax dahil sa isyu ng hurisdiksiyon. Ginigiit ng POGO na hindi naman sila nago-operate sa Pilipinas kaya hindi sila sakop ng hurisdiksiyon nito.

Subalit giit ni Hontiveros, binuno ang Ad Hoc Licensing Committee ng PAGCOR para hawakan, iproseso at magbigay ng pinal na rekomendasyon sa pag-isyu ng POGO license.

“Kumikita sila at nakakapag-operate sa pamamagitan ng mga service providers that are based in the country. Kaya marapat lang na magbayad din sila gaya ng mga nandito sa Pilipinas,” wika pa ng senador.

Bukod diyan, batay sa BIR Memorandum Circular No. 102-2017, sinasabing ang POGO operators at accredited service providers ay subject sa 5% franchise tax Gross Gaming Receipts o pre-determined minimum monthly revenue.

Ito’y bukod pa sa income tax at withholding tax na dapat nilang bayaran.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?