29

Sep 8, 2021 @ 15:11
By

Hontiveros: Panukalang 2022 budget ibalik sa Malacañang

Pinaamiyendahan ni Senadora Risa Hontiveros ang isinumiteng 2022 budget proposal sa Kongreso dahil bigong maglaan ng sapat na pondo sa mga ‘essential item’ na makakatulong sa matagumpay na pagharap ng bansa sa pandemya.

Sa ipinanukalang 2022 National Expenditure Program (NEP), nakita ni Hontiveros na hindi naglaan ang ehekutibo ng pondo para sa mga benepisyo ng mga healthcare workers, ayuda para sa mga bagong mahirap na pamilya, service contracting, at ang paglalagay lang sa vaccine booster shots sa ilalim ng ‘unprogrammed appropriations’.

“Masyadong disconnected ang budget na ito sa realidad ng pandemiya. Mananatili pa ang banta ng COVID-19 sa susunod na isa o dalawang taon. Malacanang has to send an amendment and an addendum to the 2022 budget to make sure the relief and response are at a high level,” sabi Hontiveros.

Ayon sa senadora, hindi katanggap-tanggap na ang mga healthcare workers na nangunguna sa laban ng bansa kontra COVID-19 ay hindi pinaglaanan, kahit isang sentimo, para sa kanilang kapakanan.

“Sa kabila ng kali-kaliwang panawagan at panaghoy ng ating healthcare workers na maibigay na ang kanilang SRA, gaano kagarapal na sa budget sa susunod na taon ay ni singkong duling, walang inilaan para sa kanilang SRA, hazard pay, allowance sa meals, accommodations at transportation? Bigyan naman natin ng dignidad ang ating medical frontliners,” saad nito.

Kinuwestiyon din ni Hontiveros ang kakulangan ng pondo para sa mga bagong mahihirap na pamilya na karapat-dapat na mapabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

“Marami ang mga pamilyang natulak sa kahirapan at pasok sa listahan ng DSWD na makatanggap ng conditional cash transfer pero bakit hindi ito nilagyan ng pondo? Hindi ba’t kailangang-kailangan ngayon ng mapapagkunan ng mga pinakamahihirap na pamilyang Pinoy?,” tanong niya.

Pati ang service contracting, ani Hontiveros,ay hindi man lang pinaglaanan ng pondo, na siyang inaasahang suporta ng mga operator ng private utility vehicles (PUVs) na patuloy na nawawalan ng sapat na kita dahil sa pisikal na distansya at limitadong mga ruta.

Nadismaya din si Hontiveros dahil inilagay ang pondo sa booster shots ng bakuna sa ilalim ng ‘unprogrammed appropriations’.

“Kung ikaw ba na nagba-budget para sa pamilya mo, siyempre uunahin mo kung ano ang pinaka-kailangan. I am disappointed na ang booster shots, na napakahalaga para mailigtas ang buhay ng mga Pilipino, ay nasa bingit ng alanganin. Mayroon lang kung may kita o madadagdag ng utang ang gobyerno,” ayon sa senadora.

Wala rin umanong karagdagang budget para sa Commission on Elections para mapondohan nito ang pagboto sa new normal.

“Wala ring inilaang pondo para sa posibleng extended voting hours at pagdadagdag ng clustered precincts para makaboto ang lahat ng qualified voters sa susunod na taon. Kailangang masiguradong walang voter disenfranchisement na maganap at mapreserba ang integridad ng ating halalanm” pahayag ni Hontiveros.

Ipinunto niya na dapat bawasan ng Malakanyang ang budget ng ilang ahensya, gaya ng National Task Force to end Local Communist Armed Conflict na lumobo ang budget ng 57%, at ng mga infrastructure budget na dapat aniya ay babaan at tiyakin na laman na mayroong mga multi-year obligation authorities na gagastusan ang mga connective network infrastructure mula 2023 hanggang sa mga susunod na taon.

“As far as we all are concerned, we demand a budget that will effectively address the demands of the time. Common sense dapat na ang priority ay ang magliligtas ang buhay at kabuhayan ng ating mga kababayan,” ayon kay Hontiveros.

“Hindi pwedeng sa gitna ng mga bagong variant ng COVID, ay wala kang budget para sa benepisyo ng health workers, walang ayuda, walang nakalaan para sa booster shot ng bakuna na magbibigay-proteksyon laban sa nakamamatay na virus. Kapag ganito ang proposal, dapat i-return to sender para ayusin,” pagtatapos niya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?