100

Oct 14, 2019 @ 13:32
By

Hontiveros pabor sa pagbitiw bilang hepe ni Albayalde

Nararapat lang umano ang ginawang pagbitiw sa puwesto ni General Oscar Albayalde bilang hepe ng Philippine National Police (PNP), ayon kay Senadora Risa Hontiveros.

“Given the gravity of accusations, which have further demoralized an already misdirected police force, his decision to step down was appropriate,” ani Hontiveros ngayong Lunes, Oktubre 14, 2019.

Subalit hindi umano nito sinasara ang kontrobersiya hinggil sa mga “ninja cop.”

“Ang desisyon ni General Albayalde na magbitiw sa kanyang pwesto ay hindi nangangahulugan na tapos na ang isyu ukol sa mga “ninja cops” at iba pang tiwaling pulis na sangkot sa pagbebenta ng droga at katiwalian,” saad ng senadora.

Nagdesisyon si Albayalde na mag-non duty status hanggang Oktubre 29, 2019 kung kailan gagawin ang pagpapalit ng PNP chief.

Ito, sa gitna ng mga lumutang na akusasyon na diumano’y prinoprotektahan ni Albayalde ang mga “ninja cop” noong 2013, panahong direktor ito ng Pampanga police.

Inakusahan siya sa isang pagdinig sa Senado ni dating Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief Benjamin Magalong na inantala nito ang dismissal order laban sa nasabing mga pulis.

Diniin din si Albayalde ni dating Regional Director ng Region 3 Aaron Aquino at ni CIDG deputy director for operations Retired General Rudy Lacadin.

Makaulit namang tinanggi ni Albayalde ang mga paratang at sinabing tila pinagtutulungan siya ng lahat.

“It seems that everybody is ganging up on me, I really don’t know. It’s as if I’m being crucified already,” aniya sa mga naunang pagdinig sa Senado.

Ayon kay Hontiveros, ang pagbaba sa puwesto ni Albayalde ay hakbang tungo sa pagkamit ng bansa ng hustisya, pananagutan, at katotohanan.

“May this aid us all in our collective effort to continue to ferret out the truth, hold all responsible accountable and redeem the tarnished image and reputation of our police force,” dagdag niya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?