62

Dec 15, 2017 @ 12:48

Hontiveros, nagsagawa ng libreng serbisyong medikal sa Tondo

Nagpapatuloy ang kampanya ni Akbayan Sen. Risa Hontiveros sa breast cancer awareness at nagdaos ng libreng serbisyong medikal sa Baseco evacuation center sa Tondo, Maynila.

Nagsagawa ng community outreach program ang senadora na may libreng breast at cervical cancer screenings para sa mga kababaihan sa Baseco.

Kaagapay nito ang Manila City Health Department at ilang kinatawan mula sa Philippine Cancer Society, at Institute for Politics and Governance.

Nagkaroon ng film viewing sa lugar upang itaas ang kamalayan ng marami sa kahalagahan ng maagang pag-detect sa cancer.

Sa ginawa nitong pahayag, sinabi ni Hontiveros na iginiit niya ang maayos na pondo para sa gamot sa cancer at pagpapagamot.

Hindi kasi naisama sa naunang bersiyon ng 2018 budget para sa Department of Health (DOH) ang pagpapagamot sa cancer. At sa kasalukuyang panukalang budget dito para sa 2018 ay nasa P50 milyon.

“Ang pangkalahatang kalusugan ng bawat Pilipino ay tungkulin ng isang responsableng gobyerno. At para magampanan ang tungkuling ito ay dapat maglaan ang pamahalaan ng sapat na pondo at programa para sa mamamayan,” ani Hontiveros, vice chairperson ng Senate Committee on Health at chairperson din ng Committee on Women, Family Relations and Gender Equality.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?