60

May 24, 2021 @ 14:29
By

Hontiveros: Mga preso ‘pinalalaya’, ginagamit sa buy-bust

Pinasisiyasat ni Senadora Risa Hontiveros ang diumano’y nakakaalarmang gawain ng Philippine National Police kung saan pinalalabas nila ang mga detainee at pinatutulong sa mga operasyon kaugnay ng pagsugpo sa iligal na droga.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, ipinakita ni Hontiveros ang video clip ng isang babaeng bilanggo na umaming kasabwat siya ng mga pulis sa isang anti-narcotics operations na naganap noong isang linggo.

Sabi ni Hontiveros, ang babae ay sangkot sa isang muntik nang misencounter sa isang Quezon City mall parking lot sa pagitan ng PNP at ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency.

Ayon sa babae sa video, nakulong siya noong February 3. Nang tanungin kung bakit siya nakalabas sa kulungan, ang sagot niya, “May trabaho po kasi kami.”

“Common practice ba ng kapulisan ang paggamit ng bilanggo para tulungan sila sa mga anti-illegal drug operations? Standard operating procedure ba ito? It seems reality is stranger than fiction. The PNP leadership should investigate this serious allegation,” sabi ni Hontiveros.

“Kung public order ang gusto natin, dapat sa protocols pa lang, maayos at strategic na. Hindi pwedeng may kanya-kanyang trip ang iba’t ibang pulis,” saad pa nito.

Sabi pa ni Hontiveros, hindi ito ang unang pagkakataon na may preso na nagpahayag na parte siya ng anti-illegal drugs operation.

Noong Pebrero, sa madugong shootout sa Commonwealth Avenue sa pagitan ng PNP at PDEA, may isa pa umanong detainee ang umamin rin na nagpatulong sa kanya ang mga pulis.

Ayon kay Jonaire Decena, nagkunwari siyang bibili ng shabu sa isang seller, na kalaunan ay napag-alamang ahente pala ng PDEA. Dalawang PNP officer ang namatay sa ‘misencounter’ na ito.

Nauna na ring naghain si Hontiveros ng Senate Resolution 667, na nagtutulak ng isang imbestigasyon, in aid of legislation, sa kasalukuyang law enforcement protocols para maiwasan ang mga misencounters.

“Malinaw na wala tayong malinis at matibay na sistema sa pagsugpo ng droga. Imbes na health-based o justice-based na pamamaraan, tila barilan agad ang solusyong gustong gawin ng ibang opisyal. Sa huli, sarili din naman nating pulis at agents ang napapahamak. Sarili nating mamamayan ang namamatay. There needs to be a better way,” sabi ni Hontiveros.

Sinabi rin ni Hontiveros na kailangang imbestigahan din ang mga opisyal na nagsasagawa ng illegal operation. Dati nang sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Maj. Gen. Vicente Danao Jr. sa isang panayam na ang isang ‘sell-bust’, kung saan ang mga opisyal ang nagkukunwaring nagbebenta ng droga para makahuli ng mga gumagamit ng droga, ay maaaring nangyari nga sa engkwentro noong Pebrero.

“Kung totoo man ang mga alegasyon tungkol sa ‘sell-bust’ at ang paggamit ng mga bilanggo para sa mga anti-narcotics operations, nakakaalarma na ang sarili nating kapulisan ang lumalabag sa batas. Bakit ang lakas ng loob nila? Kung sino pang dapat nagpapatupad ng batas, siya pang unang lumalabag. Dapat linisin na ang hanay ng mga law enforcement officers para ibalik ang public order at upang tunay na paglingkuran at protektahan ang mga Pilipino,” ayon kay Hontiveros.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?