89

Sep 10, 2021 @ 17:08
By

Hontiveros: Koneksiyon ni ‘Allan Lim’ kay Duterte, Pharmally imbestigahan

Pinaiimbestigahan ni Senadora Risa Hontiveros ang koneksiyon ng Chinese national na si “Allan Lim” sa Pharmally Pharmaceutical Corporation at mismong kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Sabi ni Hontiveros, si Lim ay nakuhanan ng video noong 2017 na kasama sa pagpupulong ni Pangulong Duterte at mga executive ng Pharmally na ngayon ay sangkot sa anomalya.

“Siya din ba yung Allan Lim o Lin Weixiong na ayon kay anti-drug operator Eduardo Acierto ay sangkot sa pagbebenta ng iligal na droga? Kailangan natin alamin ang lahat ukol sa taong ito. Kung totoo man na siya ito, nakakabahala na ganyan ang mga taong nakapaligid sa Pangulo,” ayon kay Hontiveros.

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, ipinakita ng senadora ang larawan ni Allan Lim kasama si Rose Nono Lin, na isang incorporator ng Pharmally Biological Inc., na sister company ng Pharmally Pharmaceutical.

Ayon sa mga source ni Hontiveros, asawa ni Rose Lin si Allan Lim.

Napag-alaman din ng tanggapan ni Hontiveros, na si Lin ay incorporator ng Full Win o Fu De Sheng Group sa Pilipinas, na pinamumunuan ng former presidential economic adviser Michael Yang. Ang chairman ng Full Win na nakabase sa Xiamen,China – si Zheng Bingqiang – ay wanted sa Taiwan para sa pagmamanipula ng mga stock ng Pharmally.

“Susi si Rose Nono Lim para maliwanagan ang kumite sa kaduda-dudang mga koneksyon na ito. Pwedeng-pwede siyang maimbita sa hearing kasi hindi siya mahirap hanapin,” sabi ng senadora.

“Sa katunayan, kalat na kalat ang tarpaulin niya sa 5th District ng Quezon City, may sarili siyang YouTube channel, at aktibo siya sa social media. Mukhang tatakbo pa nga siya sa Kongreso bilang kinatawan ng 5th District ng Quezon City,” dagdag pa ni Hontiveros nang maghain siya ng mosyon sa komite para ipa-subpoena si Lin.

Nauna nang ibinunyag Hontiveros na ang mga executive ng Pharmally, ang pinakamalaking supplier ng mga medical supplies para sa pandemic response ng bansa, ay mga pugante na hinahanap ng gobyerno ng Taiwan.

“It seems these people run in the same circles. Dapat masagot nila ang ugnayan nilang lahat, at kung bakit mukhang ang lakas nila sa Pangulo. Naniniwala akong hindi habambuhay matatago ang anumang alingasaw at baho,” saad pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?