86
abante-tnt-vismin-calida-hontiveros
By

Hontiveros kay Calida: Game over ka na!

Mariing sinabi ni Senadora Risa Hontiveros na wala nang lusot si Solicitor General Jose Calida sa mga kasong katiwalian at conflict of interest.

Nabaon na umano nang tuluyan si Calida dahil sa pag-amin na nananatili ang malaki nitong sosyo sa security agency ng kaniyang pamilya na nakakuha ng multi-milyong halaga ng mga kontrata sa Department of Justice (DOJ) at sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

Tinukoy ni Hontiveros ang pag-amin ni Calida na hindi nito binitiwan ang 60% na sosyo sa Vigilant Investigative and Security Agency Inc. (VISAI), ang security agency na pinangangasiwaan umano ng kaniyang asawa at mga anak.

Ayon sa senadora, huli sa sariling bibig ang isda, case closed at game over na para kay Calida dahil ang pag-amin nito sa sosyo sa security agency ay pag-amin na sa katiwalian.

Nilabag na umano rito ni Calida ang Konstitusyon na nagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno na gaya ni Calida na magkaroon ng negosyo at ng ibang trabaho.

Nilabag din daw ni Calida ang Republic Act 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees at ang Republic Act 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act dahil nakikinabang sa mga kontrata ng gobyerno habang nanunungkulan dito.

“A fish is caught by its mouth. By saying that he has not divested himself of his majority shares from a family business that has snared millions of pesos worth of government contracts, Mr. Calida has virtually admitted to allegations of corrupt practices and conflict of interest,” ani Hontiveros.

“Case closed. Game over,” sabi ni Hontiveros ukol kay Calida.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?