12

Dec 3, 2020 @ 13:01
By

Hontiveros: Inipit na benepisyo ng mga health worker siyasatin

Pinaiimbestigahan ni Senadora Risa Hontiveros sa Senado ang dahilan ng pagkaantala na paglabas ng pondo para sa hazard pay at special risk allowance ng mga healthcare worker sa gitna ng pandemyang COVID-19.

Inihain ni Hontiveros ang Senate Resolution No. 584 matapos magprotesta ang mga frontliner at ilang advocacy group hinggil sa hindi pa nababayarang kompensasyon sapul pa noong Marso.

“Halos buong taon at buong pandemya na silang nagtatrabaho nang walang hazard pay. Administrative Order No. 35 issued by Malacanang mandates that an additional P3,000 every month be distributed to health workers, but we cannot even pay them their basic benefits,” sabi ni Hontiveros.

“Hindi pwedeng nagpapasalamat tayo sa kanilang kontribusyon ngunit hindi pa naibibigay ang kakarampot nilang hazard pay at special risk allowance. Ang totoong pasasalamat ay ang agarang pagre-release nito. May mga pamilya din sila,” dagdag pa nito sa isang statement.

Nauna nang sinabi ng Department of Health (DOH) na ang pagka-antala ng pagbibigay ng kabuuhang P108.7 milyon kompensasyon ay dahil sa kakulangan ng ng pondo ng ahensiya para dito.

Subalit giit ni Hontveros, P20.57 bilyon ang inilaan para sa health-related COVID-19 response kasama na dito ang kompensason para sa mga health worker kaya’t nakakapagtakang hindi pa naibibigay hanggang ngayon.

“Na-release na ang funds sa ilalim ng BARO nung October. December na. Bakit may 16,764 medical front liners pang hindi nababayaran? Nasaan ang bottleneck?” tanong ng senador.

“Matagal pa ang laban lalo na para sa health workers natin. We need to investigate so we can loosen the bottleneck and create policies that allow us to compensate them and their families fairly and immediately,” dagdag pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?