16

Sep 14, 2021 @ 16:17
By

Hontiveros inawat taas-singil sa kuryente

Muling nanawagan si Senadora Risa Hontiveros na suspendihin ang lahat ng napipintong power rate hike sa bansa hanggang sa pagtatapos ng imbestigasyon ng Senate Committee on Energy sa rotational blackouts noong Mayo at Hunyo.

Ginawa ng senadora ang panawagan matapos ianunsiyo ng Meralco na magpapatupad na naman ito ng panibagong pagtaas sa rate sa buwan ng Setyembre dahil diumano sa pagtaas ng generation charge.

Kasabay ito ng pagbulusok pataas ng inflation rate ng bansa sa 4.9 percent dahil sa mas mataas ng presyo ng bilihin.

Ayon kay Hontiveros, dapat munang i-disallow ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang kahit anong pagtaas ng power rate hanggang hindi pa natatapos ang imbestigasyon ng Senado sa mga blackout na nakaapekto sa 705,000 kabahayan at nagdulot ng P116 million na economic loss.

“Dapat ay maging patas at magkaroon ng malasakit ang pamahalaan. Kung papayagan itong rate hike, ibig sabihin ay anim na buwan nang tumataas ang singil sa kuryente. Maawa naman tayo sa mga pamilyang hindi na alam kung paano makaka-sabay sa walang tigil na pagtaas ng presyo ng pagkain at ibang pangunahing bilihin,” ani Hontiveros.

Giit ni Hontiveros, dapat magkaroon ng “due consideration” ang ERC at mga power companies sa mga konsyumer, lalo na’t wala pang paliwanag o danyos ang naibigay sa publiko ukol sa mga blackout nitong mga nakalipas na buwan.

“Tama lang na hintayin muna ng mga kompanya gaya ng Meralco ang resulta ng imbestigasyon ng Senado ukol sa sanhi ng malawakang blackout nitong mga nakalipas na buwan. At kung mapatunayan na may mga kompanya o indibidwal na nagkulang o may kasalanan, sila ang dapat managot dito sa mga dagdag singilin, hindi ang mga konsyumer,” sabi ng senadora.

Aktibo si Hontiveros sa kampanya para pababain ang singil ng kuryente sa mga konsyumer ngayong may pandemya.

Dahil sa kanyang panawagan, nauna nang nangako ang Meralco na magpapatupad ito ng “relaxed policy” pagdating sa disconnection ng mga taong hirap makabayad ng bill, lalo na tuwing may enhanced community quarantine.

Itong nakaraan ay isinulong din ni Hontiveros ang recomputation ng weighted average cost of capital (WACC), para pababain ang singil sa kuryente kada buwan sa mga konsyumer. Ayon sa ERC, nirereview na nila ng ERC at sumangayon sila kay Hontiveros na “feasible” ang ganitong panukala.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?