25

Sep 7, 2021 @ 16:16

Hontiveros: Gov’t bidder may background check din dapat

Madalas nire-require ang mga janitor at iba pang manggagawa na magbigay ng clearance mula sa mga police headquarter o sa National Bureau of Investigation bago makapasok sa inaplayang trabaho kaya dapat din umanong i-apply ito sa mga government bidder, ayon kay Senadora Risa Hontiveros.

“Ang ating mga bids and awards committee, ‘yung mga BAC meron daw silang background check din sa mga proposals. Ibig sabihin importante lalo na sa gobyerno ‘yung background check,” paliwanag ni Hontiveros sa panayam sa “Politiskoop” noong Lunes.

Binanggit niya na parte nito ang pag-alam kung may track record ang isang kompanya ng produkto na kanilang inaalok pero sa kaso aniya ng Pharmally ay tila hindi ito manufacturer sa halip ay isang trader o middleman, batay sa sinabi ni Senador Franklin Drilon.

Dagdag ni Hontiveros, ipinunto ni Drilon na kung nais talaga ng gobyerno na bumili ng mga produkto mula Taiwan, dapat idaan ang transaksyon sa government to government.

“Hindi na dadaan sa Pharmally. Sayang ang pera, bakit ibibigay ay pera sa isang dayuhang korporasyon samantalang may mga Pilipinong manufacturers ng PPEs,” saad pa ni Hontiveros.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?