20

Jul 19, 2021 @ 14:36
By

Hontiveros: FoodPanda imbestigahan sa reklamo ng mga rider

Nanawagan si Senadora Risa Hontiveros sa Department of Labor and Employment (DOLE) na agad imbestigahan at aksyunan ang mga napabalitang insidente ng ‘labor abuse’ sa ilang food delivery rider sa bansa. 

“Nananawagan ako sa DOLE na aksyunan agad ang hinaing ng ating delivery rider na nakararanas ng panggigipit sa mobile app operators. Bawat araw na sila ay nababalahaw ay katumbas ng isang araw na wala silang maiuuwing kita sa kanilang pamilya,” sabi ni Hontiveros.

Ginawa ng senadora ang panawagan matapos mapabalita na sinuspinde ng pamunuan ng food delivery app na Foodpanda ang hindi bababa sa 500 accredited riders nito sa Davao City matapos sumali ang mga ito sa isang unity ride para sa mga kasamahan nilang rider na nauna nang sinuspinde ng Foodpanda at inalisan ng access sa mobile app sa loob ng 10 taon.

Konektado rin diumano ang pangyayari sa reklamo ng mga rider ukol sa bagong fare adjustment ng Foodpanda, kung saan maaring bumaba sa P20 lang ang kita ng mga rider kada delivery ride.  

Ayon kay Hontiveros, dapat mamagitan ang DOLE sa sitwasyon at tingnan ang kalagayan ng mga Foodpanda riders, upang masiguro na hindi matitigil ang serbisyo nito at higit sa lahat, maproteksyonan ang lahat ng karapatan ng mga delivery riders bilang workers o manggagawa.

“Hindi man itinuturing sa ngayon na empleyado ang mga delivery riders, sila ay mga manggagawa na naghahanapbuhay at tumutulong hindi lang sa kanilang pamilya kundi sa ekonomiya.  Hangga’t walang inilalabas na guidelines ang DOLE o hindi sila namamagitan ay walang mangyayari,” ani Hontiveros.

“Malaking negligence o kapabayaan ito kung hindi agad na kikilos ang pamahalaan. Hindi pwedeng nakatengga lang tayo habang alam nating  may posibleng pang-aabuso na nangyayari sa ating workforce, sa gitna ng pandemya,” dagdag pa ng senadora.

Nauna nang hinimok  ni Hontiveros ang DOLE na gumawa na ng komprehensibong guidelines ukol sa mga delivery riders, upang maproteksyunan ang kanilang karapatan at kapakanan bilang manggagawa.  

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?