12

Jul 21, 2021 @ 15:37
By

Hontiveros: Estado sa bakuna, WPS dapat ilagay sa SONA

Nais ni Senadora Risa Hontiveros na magbigay si Pangulong Rodrigo Duterte na update sa COVID-19 vaccine rollout, ang kampanya laban sa korapsiyon at magdeklara na posisyon sa isyu West Philippine Sea (WPS) sa kanyang huling State of the Nation Address (SONA) sa Lunes.

“Una, nasugpo ba niya ang korapsyon sa gobyerno? Ikalawa, nasaan na ang mga programang maka-mahirap at maka-masa, mula droga hanggang sa ngayong nasa gitna tayo ng pandemya?” pahayag ni Hontiveros sa online interview ng mga reporter.

“Ikatlo, ano na ang plano para mas pabilisin pa ang pagpapabakuna sa gitna ng banta ng Delta variant? Ikaapat, baka naman, sa huling SONA na ito, maipahayag ni Pangulong Duterte ang pagtindig niya laban sa Tsina at sa pambabastos nila sa ating bayan,” dagdag pa nito.

Binanggit pa ni Hontiveros na pang-115 ang Pilipinas sa 180 bansa sa ulat ng Transparency International tungkol sa korapsyon sa gobyerno.

Inihalimbawa pa nito ang kontrobersyal na pastillas scheme kung ang mga ‘foot soldier’ lamang ang nahuhuli at hindi ang mga malalaking isda.

Bukod diyan, sinabi ni Hontiveros na dapat talakayin ni Duterte sa kanyang huling SONA kung paano matutulungan ang mga Pilipino na nawalan ng trabaho o di kaya’y nagsara ang mga negosyo.

Dahil sa pagpasok ng Delta variant, dapat ilatag din ni Duterte ang plano ng gobyerno para mapabilis ang vaccine rollout.

Dapat din aniyang tindigan ni Duterte ang China sa isyu ng West Philippine Sea. Kailangan umanong managot ang China sa pag-abuso sa mga mangingisdang Pinoy at pagsira sa marine resources sa WPS.

“Yan po ang apat na bagay na nais kong marinig muna sa SONA ng pangulo. Kalusugan at kabuhayan muna ng mga Pilipino, bago ang mga sinasabi nilang special friendship, bago ang mga pangakong napapako,” pagtatapos ni Hontiveros.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?