74

Sep 29, 2017 @ 18:36

Hontiveros: Batuhan ng akusasyon sa Senado, itigil na

Nanawagan si Senador Risa Hontiveros sa mga kasamahan sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso na itigil na ang batuhan ng akusasyon sa isa’t isa.

Ito ay sa kabila nang tuloy-tuloy na pagbibintang sa kanya ni Senador Cynthia Villar na nais nila ni Senador Bam Aquino na sirain ang mayorya.

Nagkagirian ang mga senador sa session hall ng plenaryo noong Miyerkules nang maging sentro ng pagbatikos ng blog na #SilentNoMorePH ang 7 senador na umano’y tumangging pumirma sa Resolution 516 na kumukondena sa mga pagpatay sa mga menor-de-edad.

Binigyang-diin ni Hontiveros na hangga’t wala namang ebidensya ang mga akusasyon, dapat itigil na ang mga walang batayang batikos laban sa kanya.

Iginiit ni Hontiveros na hindi siya kundi ang pinanggalingan ng intriga ang sumisira sa mayorya at sa relasyon ng mga kapwa mambabatas.

Posible rin anyang sinadya ito para mawala ang focus at atensyon ng mga senador sa mas malalaking usapin na kailangang gampanan ng senado tulad ng imbestigasyon sa extra judicial killings, pag-abuso ng mga pulis, pagpatay sa mga bata at ang iba’t ibang isyu ng katiwalian.

Ipinaalala ni Hontiveros na sa mga ganitong isyu dapat nakatutok ang oras, sipag at dedikasyon ng mga senador.(Dang Samson-Garcia)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?