20

Nov 11, 2021 @ 16:21
By

Honoraria ng election service volunteer pinadadagdagan

Bagamat ipinagpapasalamat ang dagdag na P3,000 sa honoraria ng mga election service volunteers, humirit ang isang lady solon sa Senado na dagdagan pa ito.

Ayon kay House Assistant Minority Leader at ACT Teachers Rep. France Castro, mahaba ang pagtatrabahong gagawin ng mga guro sa May 2022 elections kumpara sa mga nagdaang halalan bukod pa sa mahaharap ito sa panganib ng COVID-19.

Sinabi ni Castro na sa pagdinig ng Kamara ay P2,000 ang sinabi ng Comelec na maidaragdag sa honorarium.

Sa pagdinig sa Senado, sinabi ng Comelec na P3,000 na ang maidaragdag.

“Baka naman kaya pang isagad na sa panawagan ng mga guro ang increase na maaaring ibigay ng Comelec sa mga magseserbisyo sa eleksyon,” sabi ni Castro na iminungkahi na dito na lamang ilagay ang pondo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Ayon sa Comelec, ang botohan ay magsisimula ng alas-6 ng umaga at matatapos ng 7 ng gabi.

“Longer hours for voting would mean that poll workers will have to serve longer hours for their election duties considering they fulfill tasks other than supervision of voting centers. They also are tasked to transport election paraphernalia among others. This much time outside their homes and level of activity will significantly increase the exposure of poll workers to the COVID-19 virus,” paliwanag ni Castro.

Noong 2019, ang mga Election Board (EB) chairperson ay nakatanggap ng P6,000 honoraria samantalang ang kanilang mga miyembro ay P5,000. Ang mga Department of Education Supervising Officers (DESO) ay nakatanggap naman ng P4,000 at ang mga DESO support staff ay P2,000. Binigyan din sila ng P1,000 transportation allowance.

Itinutulak ni Castro ang gawing P10,000 ang honoraria ng mga EB chairperson, P9,000 sa mga EB member; P8,000 sa DESO at P7,000 sa support staff.

Hiniling din ni Castro ang pagbibigay ng P3,000 hanggang P5,000 travel allowance at P2,500 na food allowance.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?