48

Oct 11, 2017 @ 17:56

“Honorable exit” ang pag-resign ni Bautista – Palasyo

Maituturing na isang  “honorable exit”  ang  pagbibitiw sa  puwesto ni Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres  Bautista.

Ito ang  inihayag ng  Malacanang matapos  ianunsiyo  kahapon ni Bautista  ang  pagbaba sa  puwesto epektibo sa  katapusan ng  taong ito.

Sinabi Chief  Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo, mainam ang  naging  desisyon ni Bautista para  maproteksiyonan ang  kanyang  mga  anak  at maisalba  sa  ibayo pang  kahihiyan at eskandalo ang   kanyang  hinahawakang  institusyon.

Ayon pa  kay Panelo, hindi siya nagkamali sa  una  niyang  pananaw na  magbibitiw  sa  puwesto  ang  Comelec  Chairman  lalo pa  at matindi ang kontrobersiyang  hinarap nito noong  nakalipas  na  mga  araw.

“The resignation is an honorable exit given the furor that erupted following the rupture of the marital bond. In the end his decision was motivated by his desire to protect his children from the debilitating consequences arising from his family being in the vortex of an injurious public controversy. He evidently acted in the best interest of his family as well as the institution he heads,” ang pahayag  ni secretary Panelo.

Sa  hiwalay  namang  pahayag, sinabi ni Presidential Communications Operations Office  (PCOO) secretary Martin Andanar na  nirerespeto  ng  Malacanang  ang  desisyon ni Chairman Baustista at hangad  ng  Palasyo ang  kaayusan sa  bagong  direksiyong tatahakin nito.

“We respect the decision of Chairman Andy Bautista. We wish him well,” ang  maiksing  pahayag ni Andanar.

Ang  pagbibitiw  ni Chairman Bautista sa  Comelec  ay  ikinagulat  ng  kanyang  mga  kasamahan matapos  maglabas  ng  resignation letter kahapon.

Nagpadala  na  rin umano  ang  opisyal  ng  kanyang  resignation  letter  kay Pangulong  Rodrigo Duterte. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?